ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Dec. 23, 2011) – May natanggap na umanong proof of life ang pamilyang Pinay ni kidnapped Australian national Warren Rodwell na bihag ng Abu Sayyaf sa Basilan province.
Ayon sa mga ulat ay ipinadala umano ito kamakailan lamang, ngunit blangko naman ang pulisya ukol sa proof of life at inaalam pa umano kung may katotohanan ito.
“We have no reports about it,” ani Chief Supt. Elpidio de Asis, ang regional police chief.
Si Rodwell, 53, ay dinukot sa bayan ng Ipil sa Zamboanga Sibugay province nuong Disyembre 5 at dinala sa Basilan at hawak umano ni Puruji Indama.
Maging ang pulisya sa Ipil ay inaalam rin ang naturang ulat. “So far, there have been no reports about any proof of life, not as far as the police is concerned, but we will try to check the veracity of that information,” wika ni Inspector Benzar Bairulla, ang provincial police spokesman, sa panayam ng Mindanao Examiner.
Kasal si Rodwell kay Miraflor Gutang, 27, matapos na magkakilala nuong Mayo, at nasa pangangalaga na rin ito ng pulisya at pinagbawalan na umanong makipag-usap sa media.
Naunang naglabas ng gag order si Zamboanga Sibugay Governor Rommel Jalosjos ukol sa kidnapping sa request na rin ng Australian embassy. Dalawang beses rin tumawag kay Jalosjos ang mga kidnappers upang makipag-negosasyon, ngunit ayaw naman ng embassy na tumayong negosyador si Jalosjos. (Mindanao Examiner)