MARAWI CITY (Mindanao Examiner / Dec. 20, 2011) – Umani ng matinding batikos mula sa publiko at sa kaanak ng mga nasawi sa flash floods sa Cagayan de Oro City matapos na diumano’y ipag-utos ni Mayor Vicente Emano ang pagtapon ng mga bangkay sa isang landfill o garbage dump doon.
Kaliwa’t-kanan ang mga pasaring at batikos ang inabot ni Emano at ng pamahalaang lokal ukol sa desisyon na itambak ang maraming bangkay sa basurahan. Maging sa Facebook at Twitter ay kalat ang batikos na ibinabato kay Emano.
“Por Dios por Santo Dongkoy! Ang mga biktima sa baha ay hindi basura ng tulad mo. Bakit naman sa landfill mo ipalilibing ang mga biktima sa baha?” galit na tanong pa isa na taga-Cagayan de Oro.
Dongkoy ang palayaw ni Emano at hanggang ngayon ay hindi pa makunan ng pahayag ukol sa kontrobersyal na pagtatapon ng mga biktima sa baha sa tambakan ng basura.
May mga nagpahiwatig pa sa Facebook na ilinya ang mga bangkay na walang umaankin sa harapan ng bahay ni Emano. At ang mga iba naman ay basura ang nais na itambak sa harapan ng City Hall.
Dignidad naman sa mga nasawi ang hiling ng mga naulilang pamilya. Daan-daan ang nasawi sa baha sanhi ng bagyong “Sendong” sa Cagayan de Oro at kalapit na Iligan City. (Mindanao Examiner)