
Ameril Umra Kato. (Mindanao Examiner. Kuha ni Romy Elusfa)
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Nov. 26, 2011) – Itinanggi ng grupo ni deposed Moro Islamic Liberation Front commander Ameril Umra Kato na ito’y namatay matapos na magkaroon ng stroke habang naglalakad di-kalayuan sa kanyang kanpo sa Maguindanao province.
Sinabi ni Abu Misri, ang tagapagsalita ni Kato, na buhay ito at walang katotohanan ang mga balitang nasawi ang pinuno ng Bangasamoro Islamic Freedom Movement (BIFM).
Vertigo lamang ang problema ni Kato kung kaya’t nawalan umano ito ng balance habang naglalakad kamakalawa sa Camp Parouk sa bayan ng Guindulingan, ani Misri. Ngunit ayon naman sa isang impormante ay tumaas umano ang blood pressure ni Kato at nawalan ng ulirat at posibleng magkaroon ng mild stroke.
Kumuha pa umano ang grupo ng isang duktor sa Cotabato City at dinala sa kampo ng mga rebelde upang tignan ang kalagayan ni Kato. “Okay naman daw si Kato ngayon, pero tinitignan pa ang kanyang blood pressure,” ani ng impormante matapos nitong makausap ang sub-leader ng BIFM na tumatayong kanan-kamay ni Kato.
Naunang inalok ng militar na gamutin si Kato, ngunit tinanggihan naman ito ng grupo dahil sa pangambang baka matuluyan ito o kaya ay dakpin ng mga awtoridad dahil sa mga kasong kinakaharap.
Nakabinbin ang kaso ni Kato dahil sa ginawa nitpong atake sa Lanao province nuong 2008 matapos na mabasaura ang Muslim homeland deal sa pagitan ng pamahalaan at MILF ng ideklara itong unconstitutional ng Korte Suprema.
Ilang dosenag sibilyan ang nasawi sa nasabing atake. Si Kato ay isinuka ng MILF nitong taon lamang at nagtayo ng sariling grupo – ang BIFM. (May karagdagang ulat mula kay Mark Navales)