
ZAMBOANGA CITY – Patay ang isang election officer matapos itong birahin ng armadong lalaki sa bayan ng Jolo sa Sulu province at patuloy sa kasalukuyan ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang kaso.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Mergani Wahid, 42, at patungo sana ito sa kanyang motorsiklo ng lapitan at akbayan ng lalaki sa Barangay Kasulutan at saka binaril.
Hindi pa mabatid ang motibo sa pagpatay na naganap nitong Nobyembre 11, ngunit ayon kay Senior Superintendent Abraham Orbita, ang hepe ng pulisya sa Sulu, ay posibleng kilala ni Wahid ang tumira sa kanya.
“Mukhang kilala ng biktima yun suspek dahil inakbayan pa siya at matapos ay saka siya binaril, pero on-going pa rin yun investigation natin para malaman natin kung ano ang motibo at kung bakit siya pinatay at yun nasa likod ng pamamaslang,” ani Orbita sa panayam ng Mindanao Examiner.
Hindi pa mabatid kung may kinalaman sa clan war o family feud ang pagpatay kay Wahid.
Walang ibinigay na pahayag ang Commission on Elections sa Autonomous Region in Muslim Mindanao ukol sa pamamaslang at maging ang pamilya ni Wahid ay tikom rin ang bibig. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com and http://www.mindanaoexaminer.net