
DAVAO CITY – Nahaharap sa kasong kriminal ang isang ama matapos nitong iwan na nakagapos ang kanyang sanggol sa kuwartong inuupahan sa Davao City sa Mindanao.
Hindi pa matagpuan ang amang si Jerry Iwag matapos itong umalis ng kanilang tinutuluyang kuwarto at iwan ang siyam na buwang gulang na sanggol na nakatali ang mga paa at kamay sa papag. Nailigtas ang bata kamakalawa matapos na mapuna ng mga kapitbahay ang maya’t-mayang pag-iyak nito.
Tadtad umano ng kagat ng insekto ang buong katawan ng sanggol ng ito’y madiskubre. Nabatid na iniwan ng ama ang kanyang anak sa paghahanap sa asawang lumayas. Hindi pa malaman kung ano ang kinahinatnan ni Jerry, ngunit ngayon pa lamang ay naka-abang na sa kanyang pagbabalik ang kasong child abuse.
Ayon naman sa ulat ng Radyo Bombo ay isang buwan pa lamang nangungupahan si Jerry sa naturang kuwarto sa Purok 3 sa Barangay 25-C na sakop naman ng Santa Ana district. Agad rin umanong dinala sa Department of Social Welfare and Development ang sanggol upang mabigyan ng sapat na pangangalaga.
Masuwerte umano at agad nailigtas ang bata at kung nagtagal pa ito ay maaaring mamatay ang sanggol sanhi ng gutom at matinidng init sa kuwarto. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com and http://www.mindanaoexaminer.net