
TAWI-TAWI – Dinakip ng Malaysian authorities ang dalawang dosenang mga Pilipino, kabilang ang ilang mga menor-de-edad at apat na babae, matapos silang magtangkang pumasok ng ilegal sa Sabah, ilang milya lamang ang layo mula sa lalawigan ng Tawi-Tawi sa katimugan ng bansa.
Hindi naman agad mabatid ang pangalan ng mga Pilipino, subali’t apat sa mga ito ay pawang kababaihan at ang isa ay may dala pang sanggol. Galing umano ang mga ito sa Tawi-Tawi na kung saan ay patuloy ang ilegal na biyahe ng mga ‘jungkong’ o motorboat patungong Sabah.
Kinumpirma kahapon ng Malaysia ang pagkakadakip sa 24 na karamihan ay mga Muslim – na may edad 15 hanggang 60 – sa tatlong hiwalay na operasyon di-kalayuan sa mga isla ng Bohey Dulang at Mentabuan na kilalang diving resort sa bayan ng Semporna.
Karamihan sa mga tumatawid ng ilegal sa Sabah ay mga nagnanais na makapag-trabaho doon.
Subali’t karamihan sa mga ito ay walang mga pasaporte dahil na rin sa kakulangan sa edukasyon ng pamahalaan at ng Department of Foreign Affairs sa Tawi-Tawi at Sulu na maaari silang makakuha ng mga dokumento upang makapasok ng legal sa Malaysia na kung saan ay malaki ang populasyon sa Sabah ng mga Muslim mula sa Pinas.
Ang naturang lugar ay mahigpit na binabantayan dahil na rin sa nakaambang peligro ng kidnapping ng grupong Abu Sayyaf sa Semporna.
Tulad ng inaasahan ay wala na naman inilabas na anumang pahayag ang Western Mindanao Command sa naturang insidente. Matagal ng inirereklamo ng media sa Zamboanga ang hindi pagbibigay ng mga impormasyon ng naturang military command na may sakop sa kalahati ng Mindanao ukol ibat-ibang insidente at kaguluhan sa rehiyon. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/ mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/ MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer. com and http://www.mindanaoexaminer. net
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.