
BASILAN – Dalawang teenager ang pinagbabaril sa Isabela City sa lalawigan ng Basilan sa magulong Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Napatay ang isa na nakilalang si Ontoy Totoh, 17, at kritikal naman si Intok Eppoh na ngayon ay nasa pagamutan sa Isabela. Parehong binaril sa kanilang ulo at katawan ang magkaibigan habang nakasakay sa motorsiklo sa Barangay Lower Lanote kamakalawa ng hapon.
Sinabi ng pulisya na sinundan umano ng dalawang lalaki na naka-motorsiklo ang dalawa at saka sila niratrat pagdating sa Lower Lanote. Natagpuan sa lugar ang mga basyo ng bala mula sa .45-caliber pistol, ngunit hindi pa rin makilala ng pulisya ang mga salarin.
Wala rin mga CCTVs ang pamahalaang lokal sa kabila ng kaliwa’t-kanan patayan at barilan sa Isabela City. Hindi naman mabatid kung bakit walang mga parak sa lugar, gayun napakaliit lamang ng Isabela City.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso, ayon sa awtoridad. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com and http://www.mindanaoexaminer.net