
SULU (Mindanao Examiner / May 27, 2013) – Matapos na mapatay ang maraming mga sundalo sa ambush ng Abu Sayyaf ay hinihiling naman ngayon ng ilang sektor ang isang masusing imbestigasyon upang mabatid kung saan pumalya ang operasyon ng militar.
Mahigit sa isang dosenang marines ang napaslang at sugatan sa naganap na labanan sa bayan ng Patikul kamakailan lamang at kabilang sa napatay ay isang tinyente.
Iginigiit rin ng militar na maraming mga Abu Sayyaf ang napatay ngunit wala naman nabawing bangkay ang mga sundalo sa lugar ng kaguluhan sa Barangay Tugas at pulos mga intelligence reports lamang ang naging basehan nito.
Maugong ang usapin na ipinadala ang grupo ng mga sundalo sa Patikul para sa isang test mission. Kilala ang lugar bilang teritoryo rin ng Moro National Liberation Front at hindi pa mabatid kung may kasapi sa mga ito ang kabilang sa mga umatake sa militar, subali’t ilang ulit na rin itong umatake sa militar noon.
Hindi umano pamilyar ang mga tropa sa terrain sa Sulu, na isa sa 5 lalawigan sa ilalim ng Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Naganap ang ambush sa kabila ng palaging pagsasambit ng militar at mga opisyal nito na maliit na lamang ang puwersa ng Abu Sayyaf at “on the run” pa ang mga ito. Ngunit sa kabila nito ay palaging sundalo ang napapatay sa mga sagupaan sa Sulu.
Bigo rin ang awtoridad na makakuha ng simpatya o impormasyon sa mga sibilyan dahil wala rin tiwala sa kanila ang publiko sa likod ng mga balitang paglabag sa karapatang pantao ng militar sa lalawigan.
Hindi naman agad mabatid kung magsasagawa ba ng imbestigasyon ang Armed Forces of the Philippines o ang Philippine Marines Corps sa ambush ng mga sundalong nasa ilalim ng command ni Col. Jose Joriel Cenabre upang mabatid kung may lapses sa security operation na siyang dahilan sa pagkamatay ng mga sundalo.
Nuong 2011 ay 19 na sundalong nasa test mission ang napatay sa ambush ng Abu Sayyaf at Moro Islamic Liberation Front sa bayan ng Al-Barka sa Basilan province. Apat na military commanders ang kinasuhan dahil sa kapalpakan ng mga ito. (Mindanao Examiner)