
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 15, 2013) – Nadakip ngayon Biyernes ng pulisya ang isang rebeldeng Abu Sayyaf na sabit umano sa pagpatay ng mga rubber plantation workers sa Basilan province nuong 2001 pa.
Nasabat sa downtown Zamboanga City ng mga awtoridad si Jailani Basirul, ngunit hindi naman sinabi ng pulisya ang detalye ukol sa kanilang operasyon at kung paanong natunton ang rebelde. Sabit ito sa pagdukot at pagpaslang sa halos isang dosenang trabahador ng Tairan rubber plantation sa Lamitan City.
May mga pending warrants of arrest rin si Basirul dahil sa mga ibat-ibang kasong kinasasangkutan nito sa Basilan province. Kasalukuyan naman iniimbestigahan ng pulisya si Basirul upang alamin kung may plano ba itong umatake sa Zamboanga at kung mayroon itong mga kasamahan na nagtatago dito.
Ang Abu Sayyaf ay itinuturo sa maraming pambobomba at pagpatay, gayun rin ang mga kidnappings for ransom sa Western Mindanao. (Mindanao Examiner)