
Dalawang babaeng Muslim na nakasuot ng burqa ang makikitang naglalakad sa Zamboanga City na kung saan ay patuloy pa rin ang pagmamatigas ng Katolikong Pilar College sa pagbabawal sa kanilang ga estudyanteng Muslim na gumamit ng hijab o pantakip sa ulo. (Mindanao Examiner Photo)
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Exminer / Aug. 4, 2012) – Lumalakas na ang protesta ng mga ibat-ibang grupong Muslim kontra sa Katolikong Pilar College sa Zamboanga City dahil sa patuloy nitong pagmamatigas sa pagbabawal sa paggamit ng hijab sa paaralan.
Ang hijab ay bahagi sa mga ginagamit ng mga babaeng Muslim, ngunit sinabi ng Pilar College na may panuntunan ito ukol sa pagbabawal ng naturang tradisyon sa kanilang paaralan.
Ngunit taliwas naman ito sa katayuan ng Ateneo na isang Jesuit university sa Zamboanga City at liberal ang katayuan nito sa paggamit ng hijab ng mga estudyanteng Muslim.
Maging ang mga pulitiko sa Zamboanga ay nakialam na rin at pinakiusapan ang Pilar College na pumayag na lamang sa paggamit ng hijab, ngunit dedma lamang ito sa panghihimasok sa kanilang mga patakaran sa paaralan.
Ang National Commission on Muslim Filipinos sa pangunguna ni Secy. Mehol Sadain ay naglabas rin ng Open Letter at umapela kay Sister Maria Nina Balbas ng Pilar College ukol sa pagbabawal nito sa paggamit ng hijab ng mga estudyante.
“I am writing, not to argue, but to enlighten; and not to object, but to appeal for your kind reconsideration and compromise, in behalf of the hijab-wearing Muslimah enrolled in Pilar College,” ani Sadain.
Ngunit dedma rin ang Pilar College sa liham ni Sadain. Ito ay sa kabila na rin ng kautusan ng Department of Education (Order No. 53) ukol sa religious rights ng mga estudyante.
“Female Muslim school children should be allowed to use their veil or head dress inside the school campus. In Physical Education classes, Muslim girls shall not be required to wear shorts (pants); they shall be allowed to wear appropriate clothing in accordance with their religious beliefs. Muslim students shall not be required to participate in non-Muslim religious rites,” ayon pa sa DepEd.
Subalit hindi naman hawak ng ahensya ang mga batas ng pribadong paaralan at ayon sa Pilar College ay “academic freedom” ang kanilang ipinaglalaban.
“Your policy appears to be premised on the fact that Pilar College being a Catholic institution, “the core of the curriculum … is Christian living, the reason why all of our schools have Christian Living, Theology, Religious Studies subjects.”
“You say that “(y)our academic instruction, no matter how excellent they may be, can never be fully accomplished if we do not teach and guide our students the way to God,” ani pa ni Sadain. (Mindanao Examiner)