
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / July 18, 2013) – Binatikos ng grupong Anakbayan si Pangulong Benigno Aquino dahil sa pagtutol nito sa mga panukalang tanggalin na ang Priority Development Assistance Fund matapos makaladkad ang ilang mga mambabatas sa eskandalong kinapapalooban ng mga umano’y pekeng nongovernmental organizations.
Matatandaang lumutang ang balitang may cut diumano ang mga mambabatas sa mga pondo ng kanilang proyekto.
Sinabi ng grupo na mistulang peke at palamuti lamang ang mga kampanyang kontra-katiwalian ng gobyerno na “daang matuwid” dahil baluktot naman umano ang tinatahak ng pamahalaan.
Naglabas ang mga partylist groups sa ilalim ng Koalisyong Makabayan ng panukalang batas para tanggalin na ang “pork barrel” dahil pangunahing dahilan ito ng korapsyon at katiwaliaan.
Bukod sa PDAF na tinatayang magkakahalagang P27 bilyon para sa 2014, pinapaalis rin ng panukala ng Makabayan ang sariling pork barrel ni Aquino na nagkakahalagang P25 bilyon noong nakaraang taon.
“Sobrang na-adik na sa pork barrel itong sila Aquino kaya hindi nya mapakawalan ito. Tulad ni dating Pangulong Gloria Arroyo, ginagamit nila ito para magbigay pabuya sa mga kaalyado nila, at parusahan ang mga mambabatas na kumakalaban sa kanilang mga kontra-mamamayang hakbangin,” pahayag pa ni Vencer Crisostomo, ng Anakbayan, sa Mindanao Examiner.
Ayon kay Crisostomo, wala ni-isang sentimo sa PDAF ang natanggap ng mga kinatawan ng mga partylist sa ilalim ng Koalisyong Makabayan sa nakaraang dalawang taon. Katulad ito sa ginawa ni dating Pangulong Arroyo.