
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Apr. 9, 2014) – Isang lalaki ang binaril at napatay ng di-kilalang salarin sa Pagadian City sa Zamboanga del Sur province sa Mindanao.
Sinabi ng pulisya na hindi pa rin nakikilala ang biktima, ngunit nabawi sa kamay nito ang isang papel na may nakasulat sa wikang Bisaya na “ayaw ko son-a kay kawatan ko ug manglungkabay ko ug balay” na ang nagsasabing “huwag akong gayahin dahil ako ay magnanakaw at akyat-bahay.”
Posibleng iniwan umano ito ng killer ng biktima bago tumakas bilang babala sa iba. Hinihinalang isang vigilante ang tumira sa biktima sa Purok Baybay Uno sa Barangay Poloyagan.
Walang lumutang na saksi sa krimen, subali’t ayon sa pulisya ay hindi umano residente ng naturang lugar ang napaslang. Tinatayang nasa edad 25-30 ang lalaki at may taas na 5’2” at nakapantalon ito ng grey at t-shirt na may parehong kulay.
Nabawi rin sa lugar ang tatlong basyo ng bala mula sa kalibre .45 pistola. Wala rin umako sa pagpatay, ngunit talamak ang nakawan sa Pagadian City.
Kamakalawa lamang ay nilimas ng mga magnanakaw ang Bance Building Purok Aquino sa Barangay Santo Niño na pagaari ni Dany Bance. Natangay ang P70,000 salapi at mga cell phones na pagaari ni Maricel Bacus na branch manager ng KFT Center for Communication Development Foundation. (Mindanao Examiner)