
MANILA – (Mindanao Examiner / May 19, 2014) – Hiniling ngayon ng media group Alab ng Mamamahayag (ALAM) na huwag munang husgahan at pakinggan muna ang paliwanag ng mga journalist na nakalista sa tinaguriang ‘Napolist’ bago sila husgahan.
Ayon kay ALAM national Chairman Jerry Yap, hindi pwedeng gawing basehan ng litigasyon ang report ng Philippine Daily Inquirer na nakatanggap umano ng malaking halaga ang ilang journalist mula sa tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles.
Mariing itinanggi ito ng tatlong broadcast journalists na sina Luchi Cruz-Valdes, Mike Enriquez at Korina Sanchez – mga kinikilalang haligi ng tatlong pinakamalalaking TV network sa Pilipinas.
Inireport ng PDI na ilang journalist ang umano’y nakatanggap ng halagang mula P10,000 hanggang P2 million.
Galing umano ang impormasyon sa kopya ng hard disk drive ni Benhur Luy, pangunahing whistleblower sa nasabing pork barrel scam.
Ibinigay umano ito sa kanila ng mga magulang ni Luy noon pang April 2013 kasama ang mismong hard disk drive.
Ayon sa abugado ni Luy na si Raji Mendoza, hindi nila alam ang aksyon ng mga magulang ni Benhur ngunit sinamahan ito ng dating abugado nilang si Levito Baligod.
Kasama sa listahan sa pagwaldas ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) na gumamit ng mga pekeng non-governmental organizations (NGO) mula 2004 hanggang 2008 ay sina: Korina Sanchez ng ABS-CBN, P50,000; Mike Enriquez ng GMA, P50,000; Deo Macalma ng DZRH, P715,000; Ray Pacheco, P715,000; Luchi Cruz-Valdes ng TV5, at dating chief ng Probe Team ng ABS-CBN; isang hindi pinangalanang TV and radio personality, P2 million; Erwin Tulfo ng TV5, P245,535; Carmelo del Prado Magdurulang, P245,535; at Bon Vivar, P10,000.
“Tama lamang na imbestigahan muna kung may katotohanan ang akusasyon ng PDI laban sa nasabing mga journalist,” ani Yap, “Ang tanong: ipagpapalit ba nina Sanchez, Enriquez at Valdez ang posisyon at pangalan nila sa halagang P50,000 lamang?
Kung totoong may isang Mon Arroyo na siyang tulay o operator sa nasabing mga journalists, i-subpoena at imbestigahan siya at patunayan niyang totoo ang nasabing listahan.”
Batay sa report ng PDI, umabot sa halos P500 million ang natanggap ni Arroyo mula kay Napoles.
Damay din sa bintang ang media consultant ni senator Vicente Sotto III na si Jen Corpuz, na nakatanggap umano ng P1,180,000.
“Mismong si Luy ang nagsabing wala siyang listahan ng mga officials at iba pang personalidad na nakinabang sa nasabing scam,” dagdag pa ng dating pangulo ng National Press Club (NPC).
Ayon pa kay Yap: “Sa mga unang testimonya niya, sinabi niyang ang nakalista sa kanyang database ay mga financial transaction records na aabot sa 2,700 pahina mula 2004 hanggang 2010. Kaya kung anumang meron ang PDI, hindi ito otorisado at siguradong hindi nanggaling kay Luy.”
“Nalalabuan na rin kami sa kasong ito dahil iba-iba ang laman ng mga listahan,” ani Yap. “Tatlo ang magkakaibang listahang hawak nina Rehabilitation Secretary Panfilo Lacson, Justice Secretary Leila de Lima, at jueteng whistleblower Sandra Cam. Tapos, meron din ang Inquirer na iba pa rin sa listahan ni Luy. Alin ba talaga ang totoo?” tanong pa nito. (Nanet Villafania)