
MANILA (Mindanao Examiner / July 24, 2013) – Dismayado ang media group na Alab ng Mamamahayag o ALAM na hindi man lamang nabanggit ang mga miyembro ng media at mga overseas Filipino workers sa katatapos na State of the Nation Address ni Pangulong Benigno Aquino III.
Ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap, tuluyan na yatang nakalimutan ni Aquino ang kanyang mga pangako sa mga mamamahayag nuong 2010 sa kanyang pangangampanya.
Hindi lang mga journalist ang umaasa na maipapasa ang Freedom of Information Bill sa 16th Congress, kundi ang sambayanang Pilipino.
“Dahil ba nakaupo na siya, nakalimutan na niya ang mga ipinangako niya na isusulong ang FOI bill,” ani Yap sa pahayag nito sa Mindanao Examiner.
Binanggit rin ni Yap na walang bagong plano ang gobyerno para sa kapakanan ng mga OFWs na kaliwa’t kanan ang mga problemang kinakaharap dahil sa pagtatrabaho sa ibang bansa.
“Isang malaking kawalan ng utang na loob na hindi maproteksyunan ang mga taong nagsalba ng ekonomiya ng bansa sa panahong gumagapang na ang mga kapitbahay natin sa Asya, Europa at America,” ani Yap.
“Para ano pa at tinatawag silang mga bagong bayani? Tayong mga journalist, ginusto nating ganito ang ating maging trabaho kaya mauunawaan nating binabalewala tayo ng gobyerno. Pero ang mga OFWs, hindi nila kagustuhang malayo sa kanilang mga pamilya. Wala lang talagang makitang trabaho sa Pilipinas kaya napipilitan silang magtrabaho sa ibang bansa,” dagdag pa nito.
Gayunman, hinahanap pa rin umano ng mga mamamahayag ang ‘palabra de honor” ni Aquino na nangako ng proteksyon para sa mga journalists.
“Hanggang ngayon, itinuturing pa rin ang Pilipinas bilang isa sa pinakamapanganib na bansa para sa mga journalists,” sabi pa ni Yap.
“Maliit na nga ang sweldo, nasa hukay pa ang isang paa bawat araw ng trabaho. At kung mapatay in line of duty, wala kang maaasahang hustisya dahil hindi gumagalaw ang batas para tugisin ang mga kriminal. Mabuti pa ang pulis at sundalo, binibigyan ng military honors at nalilibing sa libingan ng mga bayani. Sa Pilipinas, walang tinatawag na ‘journalist honor’ at ‘libingan ng mga mamamahayag’. In fact, karamihan sa mga namamatay na journalists ay inililibing sa mga public cemeteries na pagkatapos ng sampung taon ay nawawala na ang puntod.”