
MANILA (Mindanao Examiner / Dec. 13, 2012) – Muling nakiisa ang grupong Alab ng Mamamahayag (ALAM) sa Alpha Phi Omega (APO) sa kanilang protesta laban sa kontrobersyal na Cybercrime Law.
Ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap, hindi man sila kasamang nagsagawa ng Oblation Run o tumakbo ng hubo’t hubad – ng may 60 lalaking miyembro ng Alpha Phi Omega (APO) sa loob ng University of the Philippines (UP) Manila campus noong Martes – ikinatutuwa naman nila ang pagsuporta ng APO sa kanilang adhikain.
Ani Yap, kahit ang APO ay nakauunawang paglabag sa freedom of speech, right to privacy at due process of law ang pagkakapasa ng nasabing batas.
Aniya, sa dami ng mga mambabatas na miyembro ng APO, sana naman ay mapagbigyan na ang kahilingan ng media na maibasura na ito.
Kasalukuyang nakabinbin ang pagpapatupad ng Cybercrime Prevention Act matapos magpalabas ng temporary restraining order ang Korte Suprema sa harap na rin ng sangkaterbang petisyong inihain laban sa kontrobersyal na batas. (Nenet Villafana)