
MANILA (Mindanao Examiner / Dec. 6, 2012) – Nagpahayag ngayon ng pasasalamat ang grupong Alab ng Mamamahayag (ALAM) sa kanilang mga tagasuporta at miyembro dahil sa kanilang matibay na pagtangkilik sa kanilang adhikain.
Nagpasalamat rin sila sa Korte Suprema sa pagpanig sa kanilang petition for certiorari at temporay restraining order laban sa desisyon ipinalabas ng Commission on Elections (COMELEC) na diskuwalipikahin ang grupo sa party-list elections sa 2013.
Ayon kay ALAM national chairman Jerry Yap, masaya siya sa desisyon ng Mataas na Tribunal dahil nakita rin nito ang kanilang adhikain na mabigyan ng representasyon ang marginalized sector ng media, gayundin ang kanilang mga miyembrong mula sa mga mahihirap na pamilya sa buong bansa.
Ikinatuwa rin ni Yap ang matibay na suporta at paninindigang ipinakita ng mga tagasuporta ng ALAM sa kabila ng pagbasura ng COMELEC sa kanilang grupo sa paglahok sa halalan sa Mayo13, 2013 dahil lamang sa kakulangan umano ng track record.
“Lahat ng aming mga chapter sa iba’t ibang lalawigan na kumakatawan sa 14 na rehiyon ng ating bansa ay natutuwa sa desisyon ng Korte Suprema na pagkalooban kami ang TRO. Akala nila, tapos na ang ating laban, subalit patuloy ang ating adhikain at lalaban tayo hanggang sa huli,” ani Yap. (Nenet Villafania)