Kasunod ng malagim na pag-atake sa Jakarta, Indonesia, umalerto ang buong puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang paghahanda sa anumang maaaring kaganapan.
Si Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III sa kabilang dako ay humiling din sa taumbayan na tumulong sa pagmamatyag kung mayroong mga kaduda-dudang tao sa komunidad pero sa kabuuan, manatiling kalmado dahil wala namang “specific threat” sa ngayon.
Alinsunod naman sa pag-alerto ng PNP at AFP, agad ding pinakilos ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang lahat ng distrito ng pulisya sa buong Metro Manila upang siguruhin ang kaligtasan ng kanilang nasasakupan.
Maging ang Philippine Coast Guard (PCG) ay agad nagpatupad ng mas mataas na security measures sa karagatan, mga pantalan at baybayin sa buong Pilipinas.
Naka-full alert status na ngayon ang PNP habang naka-heightened alert naman ang AFP sa buong kapuluan.
Pero nilinaw ni PNP PIO chief, Chief Supt. Wilben Mayor na “as of now” ay wala pa silang namo-monitor na banta sa seguridad pero patuloy ang kanilang pagpapatrulya para hindi malusutan ng terorista ang bansa.
Kasabay rin na pinaigting ng PNP ang pagsasagawa ng Commission on Elections (Comelec) checkpoint habang kinansela na ang leave ng mga pulis para siguruhing ligtas ang publiko.
Ibig sabihin naman ng heightened alert status ng AFP ay naka-standby ang kanilang mga tropa sakaling kailanganin ng PNP ng military support.
Sinabi ni AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na kailangan nilang itaas ang alerto sa lahat ng lugar sa bansa para siguruhin na ligtas ang publiko.
Ganito rin ang iniulat kahapon ni Pangulong Aquino sa isang ambush interview sa Bulacan.
“The last report I read says walang credible threat,” anang Pangulo.
Gayunman, hindi naman ipinagwawalang bahala ni Pangulong Aquino ang banta ng global terrorism na inihahasik ng grupong ISIS.
“Siyempre, magiging prudent tayo at makikipag-ugnayan sa intelligence agency. At babantayan nila ang komunidad para malaman kung may threat,” dagdag pa nito.
Kaugnay nito, sinabi ni Chief Insp. Kim Molitas, hepe ng Public Information Office ng NCRPO, nais ng pamunuan na matiyak na hindi mangyayari ang insidente sa Kalakhang Maynila na kahalintulad na pag-atake sa Jakarta na ikinasawi ng 7-katao at ikinasugat ng 20 iba pa.
Sinabi ni Molitas, ang direktiba ay pinakalat na sa mga district directors hanggang sa mga chief of police para tiyaking nababantayan ang kanilang area of responsibility, lalo na ang mga vital installations at ang mga matataong lugar.
Mula sa PCG, sinabi ni spokesman Commander Armand Balilo, bukod sa mga sea marshals na sumasakay sa mga pampasaherong barko ay nagpakalat na rin ng mga K-9 bomb-sniffing dogs para makatuwang sa pinahigpit na inspeksyon. (Betchai Julian, Boyet Jadulco, Armida Rico at Juliet de Loza-Cudia )
Link: http://www.abante.com.ph/news/nat/40811/alerto-lahat-vs-isis-attack.html