
AMINADO ang “Pure Love” star na si Alex Gonzaga na katulad din siya ng ibang girls at girls-at-heart na nabighani sa kakaibang karisma ng leading man niyang si Joseph Marco na halos gabi-gabing trending topic sa Twitter dahil sa love triangle na nabubuo sa kanilang mga karakter sa serye na sina Dave (ginagampanan ni Joseph), Ysabel (ginagampanan ni Yen Santos) at Diane (ginagampanan ni Alex).
“Hindi ko masisisi ‘yung viewers namin na agad na-in love kay Joseph kasi talagang may something special sa kanya,” pahayag ni Alex kaugnay ng katambal niya sa kauna-unahan niyang pinagbibidahang teleserye sa ABS-CBN.
“Very mysterious kasi si Jowsy (tawag ni Alex kay Joseph) kaya akala ko noong una, hindi kami magiging close. Pero mali ako. Kasi napakabait niya, madaling lapitan at masarap kausap. At hanga ako sa kanya bilang actor dahil napaka-professional niya. Tuwing take namin, in character agad siya bilang Dave,” paglalarawan pa ni Alex kay Joseph.
Dahil sa patok na kwento at hit na love triangle nina Alex, Joseph, at Yen ay patuloy ang pagrereyna sa time slot nito ng “Pure Love.” Sa katunayan, base sa datos mula sa Kantar Media noong Hulyo 30, pang-apat ang tinaguriang primetime’s newest sensation sa listahan ng most-watched TV shows sa buong bansa taglay ang national TV rating na 20.4%, o lampas doble ng nakuha ng katapat nitong programa sa GMA na “My BFF” (8.5%).
Kasama nina Alex, Joseph, at Yen sa “Pure Love” sina Arjo Atayde, Arron Villaflor, Matt Evans, Yam Concepcion, at ipinakikilala si Anna Luna. Bahagi rin ng cast sina Sunshine Cruz, John Arcilla, Ana Capri, Bart Guingona, Dante Ponce, at Shey Bustamante. Ang “Pure Love” ay sa ilalim ng direksyon ni Veronica Velasco.