MAGUINDANAO — Napatay ang isang 25-taong gulang na tatay, habang sugatan naman ang anak at pamangkin nitong mga menor-de-edad nang pagbabarilin ng mga di kilalang suspect habang sakay ng motorsiko sa may Sultan Mastura, Maguindanao, umaga nitong Biyernes.
Kinilala ang nasawi na si Satar Misawid na taga-Barangay Tariken, Sultan Mastura. Sugatan naman ang anak ni Misawid at pamangkin nito na kapwa mga menor-de-edad.
Ayon sa report ng PNP, pasado alas-10:00 ng umaga habang minamaneho ni Misawid ang kanyang motorsiklo, sakay rito ang anak at pamangkin, nang barilin ng mga di pa kilalang salarin
Sinundo umano ni Misawid ang anak at pamangkin mula sa paaralan at pauwi na sila nang maganap ang pamamaril.
Nagtamo ng matinding tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na dahilan ng agaran niyang kamatayan, habang patuloy na ginagamot sa isang ospital ang dalawang mga bata.
Na-recover ng PNP sa crime scene ang ilang basyo ng bala mula sa caliber 45 pistola. Rhoderick Beñez