KIDAPAWAN CITY – Patay ang isang ama habang sugatan naman ang anak nito makaraang pagbabarilin ng di-pa nakilalang suspek sa Barangay Pedtad sa bayan ng Kabacan sa North Cotabato.
Kinilala ang nasawi na si Wajerry Talipasan Tayag, 37-anyos, habang sugatan naman si Jenny, 8-anyos, at pawang mga residente ng nasabing lugar.
Batay sa ulat na nakarating kay Chief Inspector Ronnie Cordero, hepe ng pulisya sa Kabacan, alas-12:30 kamakalawa ng madaling araw ng mahimbing na natutulog ang mag-ama ng sila ay pasukin ng suspek at pinagbabaril. Sa likod tinamaan ang matandang Tayag na naging dahilan ng kagyat na kamatayan nito.
Sa balikat naman tinamaan ng bala ang anak nito na ngayon ay nagpapagaling sa ospital. Patuloy pa ang ginagawang imbestigasiyon sa krimen.