COTABATO CITY – Kinumpirma ngayon ng militar na sumanib na sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang ilang mga tauhan ng pamilyang Ampatuan at kasama rin diumano ang mga ito sa pagpatay sa 44 Special Action Force commandos sa Maguindanao province noong Enero 25.
Hindi pa matiyak ng militar kung ilan ang sumanib sa BIFF, ngunit karamihan sa mga ito ay sangkot rin umano sa Maguindanao massacre ng 2009 na kung saan ay 58 katao ang pinaslang, kabilang ang halos 3 dosenang reporters at media workers.
Sinabi naman ni Armed Forces spokesman Brig. Gen. Joselito Kakilala sa panayam sa GMA News na itinuring nilang “private armed group” ang mga dating tauhan ni Ampatuan na sumama sa grupo ni Mohamad Tambako na nadakip naman kamakailan sa General Santos City.
Naunang kinumpirma sa ABS-CBN noon Pebrero ng isang BIFF na sangkot sa sagupaan sa SAF na kasama nga nila sa “Mamasapano clash” ang mga dating tauhan ni Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr.
At ang isa umano sa mga nakipagsagupaan sa SAF ay ang grupo ni Datu Bahnarin Ampatuan na nasa wanted list ng pulisya at sinasabing sabit rin sa Maguindanao massacre, ayon pa sa source ng television giant.
Wala naman ibinigay na anumang pahayag ang 6th Infantry Division ukol sa pagsisiwalat ni Kakilala sa pagkakasangkot ng Ampatuan private army sa labanan sa SAF sa Barangay Tukanalipao sa bayan ng Mamasapano.
Palabas na sana ang SAF commandos sa nasabing lugar matapos na mapatay si Malaysian bomber Zulkifli bin Hir alias Marwan ng sila’y pagtulungan patayin ng BIFF at miyembro ng Moro Islamic Liberation Front. Nasa kuta ng MILF si Marwan ng maglunsad ng sikretong operasyon ang SAF upang dakpin ito, ngunit nanlaban kung kaya’t napatay ng mga commandos. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News