SULU (Mindanao Examiner / Oct. 4, 2012) – Pormal ng naghain ng kanyang kandidatura ngayon Huwebes ang civic leader at sportsman na si Abdusakur “Tutuh” Tan bilang gubernador ng Sulu matapos ng maraming panghihikayat ng ibat-ibang grupo sa kanyang lalawigan na tumakbo at manilbihan tulad ng kanyang magaling na ama.
Si Tutuh ay ang anak na panganay at Chief of Staff ni incumbent Sulu Governor Sakur Tan. Nagpasalamat naman si Tutuh sa maraming mga sumuporta sa kanyang kandidatura at nangako itong pagiigihin ang paninilbihan tulad ng amang pilantropo.
Kilala ang pamilyang Tan bilang matulungan at isa sa mga respetadong angkan hindi lamang sa Sulu kundi maging sa Mindanao.
Daan-daan naman ang sumalubong kay Tutuh ng dumulog ito sa tanggapan ng Commission on Elections na tabi lamang ng Kapitolyo sa bayan ng Patikul. At tulad ng ama ay nag-alay muna ng dasal si Tutuh kasama ang iba pang mga pulitiko na naghain rin ng kanilang kandidatura.
Malakas sa Sulu si Tutuh dahil sa pagiging respetado nito at ng angkan sa komunidad at wala rin katunggali sa darating na halalan.
Kabilang ang mga Tan sa Liberal Party ng Pangulong Benigno Aquino. Nauna na rin naghain ng kanyang kandidatura ang nakakabatang kapatid naman ni Tutuh na si Samier Tan, ang kasalukuyang mayor ng bayan ng Maimbung, at ngayon ay nasa ikalawang termino na.
Maganda ang naging panimula ni Samier sa kanyang bayan at nabigyan nito ng maraming mga proyekto ang Maimbung na noon ay lugmok sa kahirapan. Tulad ni Tutuh ay muling ipinangako ni Samier na lalo pa nitong pagiibayuhin ang panunungkulan sa kanyang bayan sa gabay na rin ng kanyang ama. (May karagdagang ulat ni Ahl Salinas)