
MANILA – Inatake umano sa kanyang puso si ex-Maguindanao Gov. Andal Ampatuan, Sr., at comatose na ito ngayon sa pagamutan na kung saan ito isinugod dahil sa liver cancer.
Kinumpirma ito ng abogado ni Andal na si Salvador Panelo at ayon sa kanya ay dahil sa komplikasyon sa sakit ang dahilan ng atake at pagkaka-comatose ng Ampatuan patriarch. Akusado si Andal sa massacre ng 58 katao, kabilang ang 32 mamamayahag, noon Nobyembre 2009 sa Maguindanao na kung saan ay sumama ang mga biktima sa political caravan ni Esmael Mangundadatu na kalaban naman ni Andal sa pulitika.
Kasama sa naturang kaso ay sina Zaldy Ampatuan, ang dating gobernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao; at ang kapatid nitong si Junior Andal, at iba pa.
Bantay-sarado pa rin si Andal sa National Kidney and Transplant Institute sa Quezon City na kung saan ito inoobserbahan matapos isugod doon nitong Hunyo 5. Nasa pagamutan rin ang mga kaanak ni Andal, maliban lamang sa mga nakapiit sa kulungan.
Naunang sinabi ng mga duktor ni Andal na bilang na umano ang oras nito dahil sa cancer at tinaningan na ito ng mula 3 hanggang 6 na buwan.
Ngayon ay nais naman ni Zaldy na magpa-confine at magpasuri sa puso sa Philippine Heart Center na katabi lamang ng NKTI at humirit pa itong bibisita sa amang may sakit. Hindi pa napagde-desisyunan ng korte ang nasabing kahilingan ni Zaldy na bumisita sa ama.
Nakapiit si Zaldy at Junior Ampatuan at iba pang akusado sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City na kung saan ay napa-ulat na may special treatment ang mga ito.
Hindi naman sang-ayon ang marami sa mga kaanak ng mga biktima ng massacre sa kagustuhan nina Zaldy at nanawagan pa sa mga awtoridad na higpitan ang seguridad sa NKTI.
Umani rin ng samut-saring komento sa social media, partikular sa Facebook, ukol sa nalalapit na kamatayan ni Andal at karamihan sa mga ito ay ipinapanalangin na matigok na ang matanda dahil sa mga umano’y kasalanan nito, at ang iba naman ay nagsasabing humaba pa sana ang kanyang buhay upang maghirap at malasap ang pait at pighating dinanas ng mga pamilya ng mga biktima ng karumal-dumal na pagpatay sa 58 katao noon 2009.
May mga naaawa rin sa sinapit ni Andal at nagsabing dapat ay humingi na ito ng kapatawaran sa kanyang mga kasalanan.
Nitong Mayo lamang ay pinalaya ng korte ang isang anak ni Andal na si Sajid Islam matapos itong magbigay ng piyansa sa halagang P11.6 milyon at halos 5 taon rin itong nakulong. Dinagsa ng mga bisita at supporters ang lalawigan upang salubungin at batiin ito sa kanyang pagbabalik. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/
Share The News