
MANILA – Idineklarang “persona non grata” at enemy of press freedom ng grupong Alab ng Mamamahayag (ALAM) si dating sexy starlet Annabelle Rama matapos nitong habulin ng saksak at pagmumurahin ang veteran showbiz writer na si Chito Alcid sa mismong burol ni Comedy King Rodolfo “Dolphy” Quizon.
Ayon kay ALAM Chairman Jerry Yap, umaabuso na si Rama at wala nang iginagalang kahit pa ang burol ng namayapang Hari ng Komedya. Naniniwala si Yap na nanghabol ng saksak si Rama dahil nagalit ito sa isang artikulong isinulat ni Alcid tungkol sa anak nitong si dating beauty queen-turned- actress Ruffa Gutierrez.
Kung ito umano ang sanhi ng gulo, ang ginawa ni Rama ay maituturing na paglabag sa kalayaan sa pamamahayag. Ani Yap, kahit sinong manunulat ay may karapatang ipahayag ang inaakala nilang tama.
Sa panayam ng ALAM kay Alcid, sinabi niyang magkakasama sila nina actress Amalia Fuentes at Daisy Romualdez, dating beauty queen Azenith Briones, at politician Chavit Singson sa burol ni Dolphy.
Nagkita-kita umano sila sa Rustan’s kaya magkakasama silang dumating sa Heritage Park. Gayunman, nang makita umano sila si Rama na magkakasama ay agad bumakas sa mukha nito ang galit sa hindi malamang dahilan.
Ani Alcid, posibleng nagalit si Rama ng husto dahil kasama nila si Singson na dati niyang sponsor sa lahat ng party.
Marahil umano ay naiinis si Rama dahil sila na ang kasama nito, particular si Amalia na mahigpit nitong kaaway.
Sinabi pa ni Alcid na hindi totoo ang mga “tweet” ni Rama na siya ang nagsimula ng gulo dahil nang makita niyang naroon ito sa CR ay agad siyang tumalikod para umiwas sa kanya.
“Tumalikod ako without making faces dahil alam kong butangera sya,” ani Alcid. “Pero bigla siyang sumigaw. Sabi pa, ’Hoy, bakla ka, bugaw!’ at kung anu-ano pang pinagsasabi, pero hindi ko na pinatulan bilang paggalang kay Tito Dolphy.”
Gayunman, nagwala umano si Rama at kahit ang asawang si Eddie Gutierrez ay hindi siya napigilan.
“Tama ba yung lahat na lang inaway niya? Tapos, sa akin, kumuha pa ng kutsilyo at hinabol ako ng saksak. Buti na lang kahit nadapa ako ay hindi ako inabutan,” giit pa ni Alcid.
Sinabi ng showbiz writer na isang kongresista ang magsasampa ng resolusyong anti-Rama bill bilang tugon sa ginawa sa kanya ni Rama. Sa nasabing bill, mapaparusahan, hindi lamang si Rama, kundi ang lahat ng mga taong bastos at walang galang, para madala.
Pinayuhan pa ni Alcid si Rama na magpa-rehabilitate o magpatingin sa doktor dahil baka problema ito.
“Baka something is wrong with her,” aniya. “Sa lamay pa ni Tito Dolphy siya gumawa ng gulo. Kahit hindi ko siya pinatulan, nakakahiya pa rin sa mga namatayan.”
Ayon naman kay ALAM President Berteni Causing, pwedeng kasuhan ng “unjust vexation” si Rama dahil sa pagmumura nito kay Alcid. Pwede rin namang frustrated homicide, dahil nanghabol ito ng saksak. Gayunman,susuportahan umano ng ALAM si Alcid sa laban nito kay Rama. (Nenet Villafanta)