
MANILA (Mindanao Examiner / Nov. 18, 2012) – Tumaas na naman ang anti-US sentiments sa Mindanao matapos na pumutok ang balitang ginulpi umano ng 2 sundalong Kano ang isang bouncer sa Puerto Princesa City sa Palawan province.
Ayon sa grupong Anakbayan sa Mindanao ay pawang mga lasing umano ang mga sundalong sina Keith Brautigan at Anthony DeSalvo ng pumasok sa bar at ginulo ang mga customers hanggang sa maghamon ng suntukan ang mga Kano.
Hindi pa umano nasiyahan sa kanilang ginawa ay kinaladkad at tinangka pa ng isang sundalo na ilabas sa naturang bar ang isang customer na kanilang pinag-tripan, ngunit napigilan ito ng bouncer na nakilalang si Allen John Gapulao.
Subalit si Gapulao naman ang pinagbalingan ng galit ng dalawang sundalo at ginulpi ito.Hindi naman mabatid kung bakit hindi dinakip ng military police o ng mga parak ang mga abusadong Kano.
Agad naman itong kinondena ng Anakbayan at hiningi sa pamahalaang Aquino na sampahan ng kaso ang mga dayuhan, ngunit nangangamba ang mga ito na mauwi sa ‘whitewash’ o cover-up ang naturang kaso.
“Judging from the track record of our government especially that of the Aquino administration, in prosecuting offending foreign soldiers, we doubt that justice will be given to Mr. Gapulao,” ani Vencer Crisostomo, national chairperson ng Anakbayan, sa pahayag nito sa Mindanao Examiner.
Sinisi naman ni Crisostomo ang Visiting Forces Agreement sa pagitan ng dalawang bansa dahil ito rin ang ginagamit ng mga Kano upang malusutan ang kanilang mga krimen tulad ng rape ng isang sundalong Kano sa Pinay na taga-Zamboanga City ilang taon na ang nakaraan.
“For sure, President Benigno Aquino and his fellow puppets at the Armed Forces of the Philippines and the VFA Commission will come to the defense of these offending foreigners by invoking the need to not offend the U.S. and the myth that we need American military aid,” wika pa ni Crisostomo.
Hindi naman agad makunan ng pahayag ang VFA Commission o ang US Embassy ukol sa eskandalo. (Mindanao Examiner)