
Pangulong Aquino
MANILA – Nagtipon-tipon sa ibat-ibang protest centers ang mga organisasyong pangkabataan na pinamumunuan ng Anakbayan para ipanawagan na magbitiw na si Pangulong Benigno Aquino sa pwesto, matapos na maungkat ang kanyang papel sa nangyari sa madugong operasyon sa Mamasapano.
“Sa pagpapakatuta niya sa US hindi lang ang buhay ng 44 Special Action Force (commandos) ng Philippine National Police ang ipinahamak niya, pati ang buhay ng 7 na sibilyan at kabuhayan ng mga iba pang sibiliyan na naninirahan sa Mamasapano,” ani Vencer Crisostomo, Pambansang Tagapangulo ng Anakbayan, sa pahayag na ipinadala sa Mindanao Examiner regional newspaper.
“Sagad na ang pasensya ng mamamayan at patong-patong narin ang kasalanan nitong si Aquino kaya dapat lang na umalis na siya sa pwesto kung may natitira pa siyang kahihiyan sa katawan,” dagdag pa ni Crisostomo.
Naglunsad ang mga kabataan ng mga kilos-protesta sa Polytechnic Unioversity of the Philippines, University of the Philippines Diliman, UP Manila, University of Santo Tomas, University of Manila, San Beda College, at Freedom Park sa Batasan Hills, sa Quezon City. Nagkaroon din ng mga kilos protesta sa Pampanga, Los Banos, Baguio, at Legazpi. Kasama ang ibat-ibang sector, tumungo ang mga kabataan sa Mendiola para pakingan ang pahayag ni Aquino ukol sa engkwentro sa Mamasapano at para doon ipagpatuloy ang protesta.
Mariing kinokondena ng mga nag pro-protesta ang sabwatan ng US at ni Aquino sa operasyong Wolverine na naglalayon na mahuli si Abdulbasit Usman at Zulkipli Bin Hir alias Marwan, na naging sanhi ng pagkamatay ng 7 na sibilyan, 44 SAF, 18 MILF, 5 BIFF, at naging sanhi din ng pagkasira ng kabuhayan ng mga naninirahan sa Mamasapano. Ayon sa report ng The Manila Times nagsilbing escort ng mga tropang Amerikano ang 44 na SAF na napatay, at ang mismong humarang sa AFP reinforcement ay si Aquino dahil ayaw niyang teknikal na malabag ang ceasefire sa pagitan ng GPH at MILF.
Ayon kay Crisostomo: “Sa labis na pagsunod ni Aquino sa dikta ng US ipinahamak niya ang buhay ng 7 na sibilyan, 44 SAF, 18 MILF, at 5 BIFF. Sapat na tong basehan para umalis na sa pwesto tong si Aquino at dapat din panagutin ang US na nag dikta ng palpak na planong ito.”
Ang mga kabataan kasama ang ibat-ibang sektor ng lipunan ay sabay-sabay nang umaalma sa pamahalaan ni Aquino, kasabay nito ang patuloy na panawagan para sa hustisya at agarang pagalis ni Aquino sa pwesto at pagpapanagot sa US sa papel nito sa engkwentro sa Mamasapano.
“Hinhikayat namin lahat na suportahan ang panawagan para sa tunay na hustisya para sa mga biktima ng operasyon sa Mamasapano, at ang panawagan na dapat panagutin si Aquino at ang US. Dapat nang umalis si Aquino sa pwesto at kasabay nito nararapat na rin na umalis na ang mga tropang amerikano sa Pilipinas,” ani Crisostomo.
Kamakalawa lamang ay nagbitiw sa kanyang posisyon si Police Director General Alan Purisima dahil sa madugong resulta ng operasyon ng SAF. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and https://mindanaoexaminer.com/
Share The News