
MAGUINDANAO (Mindanao Examiner / June 26, 2014) – Sa ikalawang pagkakataon ay muling nagpulong ng sikreto sina Pangulong Benigno Aquino at Moro Islamic Liberation Front chairman Murad Ebrahim sa Japan at nababagabag umano ang dating lider ng rebeldeng grupo sa pagkakaantala ng peace agreement.
Lumagda ang pamahalaang Aquino at ang MILF sa peace deal noon nakaraang Marso subali’t hanggang ngayon ay wala pa rin aksyon ang Malakanyang sa draft ng Bangsamoro Basic Law (BBL) na noon Abril pa ibinigay sa Pangulo upang malagdaan bago ipasa sa Kongreso.
Naganap umano ang pulong nina Aquino at Murad sa Hisroshima na kung saan ay bumisita ang Pangulo at nakipagkita kay Japanese Prime Minister Shinzo Abe. Hindi ipinaalam sa media ng Malakanyang na kasama sa delegado ng Malakanyang si Murad at nabatid lamang ito matapos ng kanilang paguusap.
Pinagusapan ng dalawa ang BBL draft, ngunit wala naman detalyeng inilabas ang Malakanyang ukol dito. Noon 2011 ay sikreto rin nagpulong sa Tokyo sina Aquino at Ebrahim upang muling buhayin ang peace talks ng pamahalaan sa MILF.
Naunang sinabi ni MILF vice chairman at chief peace negotiator Mohagher Iqbal na lubhang atrasado na ang draft law dahil kailangan itong maipasa sa Kongreso para sa aprubal ng batas na siyang gabay sa Bangsamoro autonomous region na siyang ipapalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao na kinabibilangan ng Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Lanao del Sur at Maguindanao, gayun rin ng Lamitan at Marawi cities.
“We are seriously worried about the delay in signing of the BBL by President Aquino and this further delay the implementation of the peace agreement – the Comprehensive Agreement on Bangsamoro – and it creates problems not only to the Aquino government, but the MILF as well. It’s a political problem and government has to address this quickly because we are running out of time here,” ani Iqbal.
Ito rin ang pangamba ni MILF vice chairman for political affairs Ghazali Jaafar.
Noon nakaraang Mayo ay muling nagpagpulong sa Maynila ang peace negotiators ng pamahalaang Aquino at MILF upang talakayin ang nakabinbin na BBL draft. Tinalakay rin ng peace panels ang naturang proposed law ng Bangsamoro homeland deal matapos na umano’y maglutangan ang ibat-ibang isyu ukol sa legalidad nito at sa Konstitusyon.
Kung ito’y mapipirmahan ni Aquino ay agad naman na ipapasa ang BBL sa Kongreso upang maratipika, subali’t mukhang mahihirapan ito dahil sa banta ng ilang mga congressman na pipigilin o dadalhin ang kanilang hinaing sa Korte Suprema.
At kung makalusot naman ito sa Kongreso ay daraan pa ang BBL sa isang plebisito upang desisyunan ng mga Muslim kung nais ba nilang mapasama ang kanilang lugar sa Bangsamoro autonomous region na posibleng lumawak o lumiit.
Nilagdaan ng magakabilang grupo ang peace accord o ang Comprehensive Agreement on Bangsamoro at nakasaad doon ang mga probisyon sa naturang batas na ngayon ay kinukuwestyun ng ilang mga mambabatas at grupong kaalyado ng mga ito. Paulit-ulit na sinabi noon ni Presidential peace adviser Teresita Deles na sesertipikahan ni Aquino na urgent ang BBL. (J. Magtanggol)