COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Dec. 20, 2011) – Dalawang araw na magkakasunod na tinaniman ng bomba ang compound ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa Cotabato City at posibleng konektado ito sa appointment ni dating Congressman Mujiv Hataman bilang acting regional governor.
Nitong Martes lamang ay isang 81mm mortar ang nabawi ng mga sundalo sa loob mismo ng compound at nuong Lunes ay dalawang iba pa ang natagpuan matapos na sumabog ang blasting cap ng mga ito at kasabay nito ang pormal na pagluklok ni Pangulong Benigno Aquino kay Hataman, 39, na kilalang ka-alyado at political support nito.
Walang umako sa pagsabog subalit natagpuan naman doon ang mga nagkalat na leaflets na may pangalan “Bangsamoro Islamic Movement,” ang grupo ni dating Moro Islamic Liberation Front leader Ameril Umra Kato.
“We are still investigating who was behind all these and their motives,” ani Army Major Sergio Macaranda, a spokesman for the 6th Infantry Division.
Hindi naman mabatid kung paanong nakapasok sa loob ng ARMM compound ang mga pampasabog sa kabila ng mahigpit na siguridad doon. Bantay-sarado rin ito ng mga security guards ng ARMM.
May hinala naman na pulitika ang dahilan nito dahil maraming mga opisyal ng ARMM ang ayaw kay Hataman. Iginigiit rin ng mga opisyal na dapat ay hintayin muna ng Malakanyang ang desisyon ng Korte Suprema ukol sa legalidad ng paglalagay ni Aquinio ng mga officers-in-charge sa ARMM.
Maging mga dating Moro National Liberation Front rebels sa Basilan ay nag-protesta rin sa pagkakalagay kay Hataman bilang ARMM acting governor.
Sabit si Hataman sa 2007 bombing sa House of Representatives na kumitil sa buhay ng 6 katao, kabilang si dating MNLF leader at Basilan Congressman Wahab Akbar, na kilalang katunggali ni Hataman sa pulitika. Ibinasura ng Justice department ang kaso laban kay Hataman dahil sa kawalan umano ng ebidensya ilang linggo matapos na lagdaan ni Aquino ang appointment ni Hataman.
Pinalitan ni Hataman si ARMM Vice Governor Ansaruddin Adiong bilang acting regional governor. Si ARMM Governor Zaldy Ampatuan ay nabilanggo matapos na isabit sa pagpatay ng 57 sa Maguindanao province nuong 2009. (Mindanao Examiner)