
Assalamu ‘alaykum!
Ang aking koponan sa pagrereporma sa ARMM, malugod ko pong pinapaabot ang aming pagbati sa 61,000+na Grade 6 pupils at 30,000+ 4thyear school students ga-graduate ngayong taon sa ARMM. Ang pagtatapos sa elementarya o haiskul ay pagkilala sa tiyaga at pananampalataya sa kakayahan ng edukasyon baguhin ang ating buhay at lipunan; sa pagbubukas ng oportunidad na maisakatuparan ang pangarap na magandang bukas, hindi lang pansarili kundi para na rin sa pamayanan ng ARMM.
Sa mga magtatapos ngayong taon, kayo po ay natatangi at naiiba dahil kayo ay unang grupo ng gradwets sa panahon ng reporma. Produkto po kayo ng isang taong pagsusumamo at pagpupursige ng kasalukuyang administrasyon na mabago ang kalidad at mamahala ng edukasyon sa ating rehiyon. Nakakasiguro na po tayo na hindi na kasama ang 70,000 ghost enrollees at ghost schools na ating naagapan at iniwasto.
Ipinabaabot din po natin ang aming pagpupugay sa mga magulang at pamayanan sa kanilang pagmamahal, matibay na suporta, pagpupumilit at paggigiit maitaguyod ang pag-aaral ng kanilang mga anak at kabataan. Ang pagtatapos ngayong buwan ay simbulo ng matayog na pangarap para sa kanila, magandang kinabukasan tungo sa masagana’t mapayapang pamayanan.
Kasama po ninyo kami sa pangarap na ito. Ito din po ang dahilan kung bakit tinanggap po namin at patuloy na hinaharap ang hamon ng reporma. Tapos na po ang panahon ng pagsasawalang bahala at walang pakialaman. Kung gusto natin ng pagbabago dapat tayong lahat, tulong-tulong, sama-sama, isakatuparan ang pangarap na magandang bukas dulot ng matuwid na pamamahala sa ARMM. Sabi nga po ng ating Presidente Noynoy Aquino, ang mamayanan ay ang boss namin. Kung kaya’t sa inyo po kami humuhugot ng lakas at direksyon.
Saludo din po tayo sa 21,000+ pwersa ng DepEd-ARMM – mga guro, namamahala, at iba pang empleyado – na sumusuporta sa ating reporma upang palawakin ang abot ng libreng edukasyon at itaas ang antas ng kalidad ng edukasyon sa ating eskwelahan. Tayo ay nasa gobyerno upang maglilingkod sa ating pamayanan, hindi ang mamayanan ang maglilingkod sa atin.
Ang buwis na binabayaran ng ating mamamayan ay para sa serbisyo publiko. Sa mga naniniwala sa ating reporma at sa mga nagbago dahil sa ating reporma, ang serbisyo publiko ay isa din pong jihad, isang walang pag-iimbot na pakikibaka. Ang turo po sa atin ng Panginoon, silang nakikibaka ay mga mujahideen! Tayo po ay mujahideen sa landas ng edukasyon!
Lahat po ng ating naabot at naisakatuparan ay atin pong inaalay sa Poong Maykapal. Patuloy po tayo mananalig sa kanyang turo, isagawa ito upang ang pangarap na magandang bukas ay ating makamtan ngayon. Kung sama-sama, kayang-kaya! Pagpalain nawa tayo ng Allah!