COTABATO CITY – Governor Mujiv Hataman of the Muslim autonomous region – in his final State of the Region Address – has thanked Wednesday former President Benigno Aquino for giving him the opportunity the opportunity to serve Bangsamoro.
Hataman said it was Aquino who chose him to lead the troubled region in 2012 and after nearly 7 years, he introduced reform and guided it to become one of the most progressive areas in the country in terms of investments. “I shall be forever grateful to you,” he said in his speech in front of a huge crowd outside his office.

Hataman, who emotional throughout his speech, had to pause several times to wipe his tears and drank water to clear his throat. His voice cracked many times as he tried to recompose himself and continue his speech.
At the end of the speech, Hataman humbly asked for forgiveness to all those who did not like how he ran the regional government. And added all the achievements of the regional government is for the welfare of the Bangsamoro.
Read Hataman Speech
“Ito po ang aking ikalawang Ulat sa Bayan. Bago nito, nagkaroon na tayo ng ilang mga State of the Region Address, kung saan pinag-usapan natin ang kalagayan ng ating rehiyon. Maraming beses na akong humarap sa inyo sa nakaraang pitong taon ng paglilingkod bilang inyong Regional Governor.
Pitong taon ng reporma. Pitong taon ng pagbabago; ng mga mithiin na kung hindi man natin naabot na, ay tiyak na nating natatanaw; ng pagpanday sa panibagong Muslim Mindanao, sa pisikal mang anyo – dala ng mga gusali, tulay, at kalsada – o sa ating mismong puso’t isipan, dala ng ating panibagong hubog at pagtataguyod ng ating dangal bilang mga Moro.
Pitong taon. Totoo nga po: Napakalayo na ng ating narating sa loob ng maiksing panahon, lalo na kung ihahambing sa ating dating kalagayan.
Naaalala pa ba ninyo ang mga panahon kung kailan napakaraming lugar na hindi man lang maabot ng balita, at mas lalo pa ng mga kinakailangang serbisyo? Sa Basilan mismo, para makarating sa ilang munisipyo, kailangan mong umikot ng napakalayong mga daanan, sumalubong sa alon, o di kaya magbalanse sa alambre sa ibabaw ng tubig? Ngayon, meron nang Basilan Circumferential Road. Ang dating napakahirap maabot, mas madali at mas mabilis nang napupuntahan.
Halimbawa po ulit: Sa Sulu, naaalala pa ba ninyo ang mga panahon bago mabuo ang Sagay Sagay water system? Ang mga mag-anak, walang mainom na malinis na tubig. Kaya ang dalas din nilang magkasakit. Ngayon: Ang ating mga kababayan, madali nang nakakainom ng malinis na tubig. Mas ligtas at may dignidad na ang mga residente ng Sulu.
Di po ba: Parang ang layo na natin sa pinagdaanang panahon? Ang layo na ng buhay natin sa ngayon kumpara sa noon.
Sa sarili ko mismong karanasan, naaalala ko pa noong unang mga araw natin bilang OIC Regional Governor ng ARMM. Dinatnan natin ang burukrasyang masasabi nating at best ay stereotypical, at worst ay dysfunctional. Ang mga pinapasahod ng gobyerno, nagtatrabaho lang kung kailan nila matipuhan. Ang mga empleyado, napupunta sa posisyon dahil sa palakasan, at hindi dahil sa tunay na kakayahan. Para bang araw-araw ang Undas dahil sa dami ng mga ghost employees sa mga opisina, o ng mga ghost voters sa voters list, o ng mga ghost students sa mga pampublikong paaralan dito sa ARMM.
Noon, kapag hinanap natin ang listahan ng mga pinaka-corrupt na rehiyon, malamang malapit sa tuktok ang ARMM. Magugulat pa ba tayo kung sa listahan ng pinakamahirap ay nasa tuktok din tayo?
Binago po natin ang lahat nang ito. At ang bukal ng pagbabago: Tapat, mabisa, at mabuting pamamahala.
Sinimulan natin sa transpormasyon ng kultura ng pagtatrabaho—mula palakasan, tungo sa propesyunalismo. Inilagay natin ang mga tamang tao sa angkop na puwesto: May tamang kakayahan at credentials, may integridad, at husto ang pag-unawa sa mandato ng kanilang opisina. Hindi naging madali ang pagsisimulang ito—kaya nga po taimtim ang ating pasasalamat sa mga naging katulong natin, pangunahin na ang Development Academy of the Philippines. Maraming salamat sa inyo.
Tuloy-tuloy ang ating housekeeping simula pa noong 2012. Binuo natin ang Regional Development Plan 2017-2022 at nag-set up tayo ng database ng mga ahensya. Sa ngayon, mayroon nang 80 database at 52 online na serbisyo ng line agencies na gumagana. Ang ibig sabihin nito: Mas mabilis ang pagkilos dahil sa teknolohiya. Mas nakabilad din sa pagsisiyasat ng publiko ang ating mga gawain, kaya mas tapat ang paggamit ng pera ng taumbayan. Kasama po natin ngayon ang mga nanguna sa inisyatibang ito: Ang ating Regional Planning and Development Office—palakpakan po natin sila. Kasama rin dito ang ating Information Communications and Technology Office o ICTO ng Office of the Regional Governor. Maraming, maraming salamat sa ipinunla ninyong pagbabago.
Mula naman po sa zero noong 2015, nagkaroon tayo ng 23 LGU awardees ng Seal of Good Local Governance ngayong 2018—nangunguna na tayo sa lahat ng rehiyon sa Mindanao. Dagdag rito ay 63 naman ang nakapasa sa Good Financial Housekeeping nung 2017. Hindi matatawaran ang ipinasok na pawis at sigasig ng ating mga kahanay sa DILG-ARMM, pati na rin ang mismong mga LGU na naging buo at malalim ang pakikiisa sa ating agenda ng mabuting pamamahala. Mangyari po sanang tumayo ang mga kasama natin mula sa DILG-ARMM at ang mga pinuno ng ating mga LGU. Maraming salamat sa inyong husay at sigasig. Palakpakan po natin sila.
Pati nga rin po mga ISO certification, tinutukan talaga natin upang makamtan. Pinatunayan natin: Kayang makipagsabayan ng mga opisina ng ARMM at ng Bangsamoro sa global standards. Alam natin na kung meron tayo ng mga tatak tulad ng ISO, mas kikilalanin ang ating mga institusyon, at mas papasok ang mga partner at investor. Sa huli, mas taas-noong makakaharap ang Moro sa mundo. Para dito, pasalamatan at palakpakan natin ang ating mga staff at opisyales mula sa Office of the Regional Governor—sila ang nagpagod at nagpuyat para masigurong makakamtan natin ang mga tagumpay na ito.
Lahat ito ay sagisag ng misyon nating linisin ang pamumuno sa ARMM. Gaya ng lagi nating sinasabi: Kung maayos ang pamamahala, tiyak, susunod ang kapayapaan at katahimikan; at kung maayos ang mga ito, susunod naman din ang pag-unlad sa ating ekonomiya.
Halimbawa na lang po, sa investments: Sa kabuoan, sa pitong taon natin, ang mga nagparehistro sa RBOI ay nakapagpasok ng 20 billion pesos sa ating ekonomiyang pang-rehiyon. Katumbas ito ng 15,507 na trabahong nakatala—wala pa po siyempre dito ang mga ibang mas maliliit na negosyo, o ang informal economy na nagsimulang lumago dahil sa stabilidad at kapayapaan.
Sa regional GDP growth naman: Mula sa pinakamababa na 0.3% noong una tayong umupo, ang paglago ng ekonomiya ay naitala sa 7.3 percent noong 2017. Mas mataas ito sa national average na 6.7 percent sa parehong taong iyon. Kung dati, kulelat ang ARMM, ngayon, nakakaangat na tayo sa karaniwan. Kung dati, sinasabing sakit ng ulo ang ARMM dahil hinihila nito pababa ang pambansang GDP, ngayon, positibo ang ambag natin, at tayo na ang humahatak ng GDP pataas.
Ilang kuwento at numero lamang po ang mga iyan, bilang sagisag ng positibong pagbabagong natamasa natin nitong mga nakaraang taon. Napakarami pang ibang kuwento ng makabuluhang transpormasyon.
Halimbawa na riyan: Sa ating Program Against Violent Extremism o PAVE, nabibigyan ng pagkakataon ang mga dating nag-aaklas. Ito nga po ang kauna-unahang institutionalized program sa bansa upang tumugon sa violent extremism at terorismo; ginawa na itong huwaran ng mga programa ng AFP at iba pang national agencies. Sa mga livelihood program at mga bagong trabaho at kabuhayan, nakukumbinsi ang mga combatant: Kung sagana ang buhay, kung may dignidad ang trato natin sa isa’t isa, walang dahilan para gumamit ng dahas. Bunga po ito ng tunay na convergence at pagbubuklod ng napakaraming grupo: Mula sa lokal at pambansang pamahalaan, mula sa pribado at pampublikong sektor. Partikular ko pong gustong pasalamatan ang ating Sandatahang Lakas, ang ating Philippine National Police, ang religious sector na kinakatawan ng ating mga Ulama, at ang iba’t ibang ahensyang kalahok sa programang PAVE. Maraming salamat; palakpakan po natin sila.
Marami pa tayong iba’t ibang proyekto at programa na patuloy na nagpapatatag ng pundasyon para sa isang masaganang pamayanan. Nariyan ang ARMM-HELPS o Health, Education, Livelihood, Peace and Governance, and Synergy. Dahil dito, natututukan natin ang mga batayang pangangailan ng ating mga kababayan. Sa bawat benepisyaryong barangay, sampung milyong piso ang inilaan; nagagamit ito upang magtayo ng imprastrukturang magpapatibay sa ating mga komunidad, halimbawa na barangay hall, barangay health center, public market, day care center, children’s park, o multi-purpose building.
Nariyan din ang Bangsamoro Regional Inclusive Development for Growth and Empowerment o ARMM BRIDGE na nagsimula noong 2015. Ang layunin nito: iangat ang pinakamahirap na kababayan sa bawat komunidad ng ARMM. Sa kasalukuyan, meron nang 242 na mga barangay ang nabigyan ng pagkain, pabahay, pailaw, patubig, at kabuhayan dahil sa ARMM BRIDGE.
Itinayo rin ang 24/7 emergency response team sa ARMM na tinawag nating ARMM Humanitarian Emergency Action Response Team o ARMM HEART. Kung may sakuna, agad ang tugon ng ARMM HEART. Ito mismo ang ibig sabihin ng misyon nating dalhin ang serbisyo sa mismong puso ng mga komunidad. Angkop na angkop nga po talaga ang pangalang ARMM HEART. Kasama po natin ngayon ang ilang mga ARMM HEART Volunteers. Maraming salamat sa inyo.
Para sa mga naaapektuhan ng gulo, itinatag ang HDAP o ng Humanitarian and Development Action Program bilang daluyan ng agarang-lingap, rehabilitasyon at rekonstruksyon ng mga paaralan, bahay, health center, kalsada at tulay. Tinutustusan din nito ang mga programang pangkabuhayan na siyang magtataguyod ng kapayapaan, lalong-lalo na sa mga bayan ng Maguindanao.
Ang lahat ng ito ay mga sanga ng buo, malawakan, at sistematikong stratehiya: Kapag inabot ng serbisyo ang taumbayan; kapag ramdam niya ang pag-aaruga ng pamahalaan; kapag alam niyang meron siyang maaasahan—tiyak, magiging mas ganado siyang makiambag sa mas tahimik at asensadong pamayanan.
Isa itong siklo: Ng paglingap at pagsulong; ng dignidad at kasaganahan; ng malasakit at katatagang pang-komunidad, pang-rehiyon, at pambansa. Ang batayang pilosopiya: Tayong lahat, nag-aambagan tungo sa mabuting pamamahala, sa kapayapaan, at kolektibong kaunlaran.
At narito na nga tayo ngayon; pitong taon mula noong una nating hinarap ang mga bagong responsibilidad bilang bahagi ng pamunuan ang ARMM.
Sa susunod na buwan, pagbobotohan na ang plebisito para sa Bangsamoro Organic Law. Hindi naging madali ang landas tungo dito. Literal na diniligan ito ng dugo ng mga nauna sa atin. Tagumpay ito ng mga naunang mujahedeen at martir na Moro; tagumpay ito ng peace advocates at ng freedom fighters; tagumpay ito ng bawat karaniwang Moro at Pilipino na naniniwalang may bukas kung saan yuyuko ang mga puno, hindi dahil tinamaan sila ng mortar kundi dahil hitik sila sa bunga.
Ang Bangsamoro Organic Law ay tagumpay ng kapayapaan. Ang kapayapaan sa Al Barka at sa buong Lanao; ang kapayapaan sa Shariff Aguak, Pagatin, Mamasapano, at Salibo area o SPMS, ay kapayapaang ramdam hanggang sa Cebu, sa Iloilo, sa Maynila. Ang kapayapaan sa ARMM ay kapayapaan ng buong Pilipinas—kaya ang tagumpay ng BOL ay tagumpay hindi lamang ng Bangsamoro, kundi ng bawat Pilipino at ng buong bansa.
Alam naman natin ang mga naging pagkukulang ng ARMM: Ang matinding pakikiusap para lang maipatayo ang kailangan nating paaralan, o ospital, o tulay, o para maipatupad ang mga proyektong nararapat lang namang ipatupad. Ang halos pagmamakaawa para makuha ang makatarungang pondo at serbisyo. Laging nakaumang ang palad natin sa mga taga-Maynila.
Ito nga siguro ang tinaguriang “failed experiment.” Hindi failed experiment ang ating pagka-Moro; hindi failed experiment ang ating hiwalay na identidad at kultura. Hindi failed experiment ang ating autonomiya. Ang failed experiment—ang tunay na nabigo—ay ang istruktura at sistemang naging ugat ng pang-aapi, ng pagsasamantala ng mga makapangyarihan, ng pagkakabaon ng mga dinastiya sa poder, ng pagiging palagi nating nakaasa sa iba para sa ating mga pangangailangan. Ito ang mismong mga pipiliting tugunan ng bagong Bangsamoro, na mabubuo kung ma-ratify ang ating Bangsamoro Organic Law.
Kung maitatawid ang BOL, maitatawid din ang Moro tungo sa bagong kabanata: Mula ARMM, magiging Bangsamoro; mula sa istrukturang pulitikal na madaling nagagawang instrumento ng pagsasamantala, magkakaroon tayo ng isang sistemang mas may kalasag laban sa pang-aabuso.
Hinihikayat ko ang lahat na makilahok sa plebisito. Bumoto para sa mas nagkakaisa, mas makatarungan, at mas masaganang bukas. Hinihimok ko kayong nandito ngayon: Maging instrumento ng liwanag at kaalaman ukol sa BOL. Ipaalam sa inyong mga kaanak, kaibigan, at komunidad ang positibong epekto ng batas na ito sa kanila. Kung may BOL, mas malaya ang pamahalaang Bangsamoro na magdesisyon para sa sarili. Dahil dito, bibilis ang pagbaba ng serbisyo at mga proyekto. Bukod pa rito: Ang BOL ang pinakasagisag ng tagumpay ng prosesong pangkapayapaan. Kung mararatify ito, maisasara ang lumang kabanata ng hidwaan. Magiging malinaw ang mensahe sa lahat: Tapos na ang gulo, at handang-handa na tayong humarap sa mas masaganang kinabukasan.
Ibig sabihin: Papasok lalo ang puhunan. Ang mga negosyo namang nandito na, lalong lalago dahil hindi na kailangang maputol-putol ang operasyon dahil sa putukan. Dadami ang trabaho, sisigla ang komersyo. Ang kapayapaan at stabilidad, manganganak ng pag-asenso.
Kaya nga po, pasalamatan natin sila: Kay dating Presidential Adviser on the Peace Process Ging Deles, na talagang nagbuhos ng pagod para mabuo ang FAB, CAB, hanggang sa BBL at ngayon itong BOL: Maraming salamat.
Kay outgoing PAPP Jess Dureza at sa papasok na PAPP na si Charlie Galvez; kay dating ARMM Vice Governor at Usec. Nabil Tan; sa lahat ng kawani ng OPAPP noon man o ngayon na nakiambag tungo sa tagumpay na ito—maraming salamat sa inyo.
Hindi rin po matatawaran ang mga opisyal ng AFP at iba pang mga ahensya ng gobyerno na nakiisa sa peace process; palakpakan din po natin sila.
Ang mga kasapi ng Bangsamoro Transition Commission na sumisiguro na tuloy-tuloy tayo sa landas ng kapayapaan: Maraming salamat din sa inyo.
Kina Chairman Al Haj Murad at Mohagher Iqbal ng MILF: Maraming, maraming salamat matagal ninyong nakipagsapalaran; maraming salamat sa pagbubukas ng puso sa kapayapaan; maraming salamat sa pakikiisa tungo.
Alam ko rin po: Ang tagumpay na malapit na nating matamasa ay bunga ng pagsisikap ng napakarami pang ibang peace actors—sa gobyerno man o pribadong sektor, mga lider sa komunidad, mga influencer sa social media, mga karaniwang Pilipino mula sa bawat sulok ng bansa na tumulong upang maabot ang kapayapaan. Tanggapin ninyo ang pasasalamat hindi lamang ng Bangsamoro, kundi ng buong Pilipinas. Salamat sa inyong pakikiisa, paninindigan, at pagmamahal sa kapayapaan.
Napakaraming nakiambag sa pagkamit ng ating mga mithiin. Kaya’t dapat lang ding idiin: Ang pag-asenso ng Bangsamoro ay pag-asenso ng lahat—ano man ang suot, salita, o paniniwala mo. Ang binubuo natin ay isang Bangsamoro para sa lahat: Bangsamoro ng pagkakataon at oportunidad, ng ginhawa, ng pagtanggap sa ating mga pagkakaiba, ng kasaganahan at pagkamit sa ating mga pangarap. Kung may makalalamang man, sila ang mga magsisikap at magpupursigi. Kung may dapat mang ikatakot, ito ang pagkabigo kung magkukulang tayo sa pagbabantay sa ating mga nasimulan.
Linawin po natin: Mabuo man ang Bangsamoro sa pamamagitan ng plebisito, kung kakalimutan natin ang ugat ng mga tinatamasa nating tagumpay ngayon—kung iwawaksi natin ang tapat at mabuting pamamahala, kung babalik tayo sa sistema ng hatakang-pababa kaysa magtulungan—malamang, mabigo ang Bangsamoro. Alalahanin lagi natin: Tayo rin ang gumagawa sa sistema. Tao rin, palagi, ang nagpapatakbo sa gobyerno.
Ididiin ko na rin po dito, para sa mga susunod na mamumuno ng Bangsamoro: Sana ay mabigyan ng espesyal na tutok ang mga kapatid natin sa Marawi. Para po talagang nadudurog ang aking puso, dahil sa situwasyon ngayon, anumang pilit nating tumulong, ay hindi natin magawa ang sapat o husto sa kanilang pangangailangan. Limitado ang espasyo ng ating regional government para magdesisyon at kumilos. Kung papasa ang BOL, magkakaroon ang susunod na liderato ng mas malawak na espasyo at pondo upang magpatupad ng proyekto. Nakikiusap ako sa mga susunod na mamumuno ng Bangsamoro: Ibigay natin ang nararapat para sa mga taga-Marawi. Ipakita natin sa kanila ang tunay na pagkakaisa at pagkakapatiran ng mga kapwa-Moro.
Ito po ang aking huling Ulat sa Bayan. Sa susunod na taon, insha’Allah, hindi na ARMM ang tawag sa atin, kundi tunay na Bangsamoro. Malamang iba na ang haharap sa inyo para magtalumpati.
Ang totoo nga po, nagsesenti ako. Simpleng aktibista lang tayo dati. Alam iyan ng mga kasama ko noong araw—marami sa kanila ay kasama ko pa rin hanggang ngayon. Mas kumportable tayo sa tsinelas at kupas na t-shirt; mas kumportable tayong iba ang bida, habang tahimik lang tayo sa likod. Sino ba naman ang mag-aakala na magiging bahagi ako ng ganitong kalaking pagbabago para sa Bangsamoro?
Naaalala ko nga kung paanong nagsimula ang landas kong ito.
Nang kinausap ako ni PNoy, kakasumpa pa lang niya bilang Pangulo. Bahagi ng kanyang mga mithiin ang ireporma ang sistema sa ARMM. Una, kailangang isabay ang eleksyong pambansa sa eleksyon dito sa atin, para magsimula nang mawakasan ang sistemang padrino at palakasan. Sabi niya sa akin, Brother, kapag pumasa ang synchronization law, puwede bang ikaw muna ang mag-OIC Regional Governor ng ARMM?
Simple lang ang atas ni PNoy: Tiyakin na maitatama ang mga pagkakamali ng nakaraan. Ipakita ang maaaring maging bunga ng tuwid na pamamahala; pigilan ang korupsyon; paratingin sa tao ang serbisyong dapat nilang matanggap. Minsan nga, napapaisip ko, ano kaya ang nakita sa atin ni PNoy? Kung anuman ang naging bukal ng tiwala niya, malinaw sa akin na hindi ko siya bibiguin—dahil ang pagbigo sa kanya ay katumbas ng pagbigo sa Bangsamoro.
Kasama ng adhikain ni PNoy para sa Pilipinas ay ang isang masagana at mapayapang Bangsamoro. Sa kanya nagsimula ang lahat; ang paninindigan niya ang punla ng mga positibong tinatamasa natin ngayon. Mula sa pagtataas ng budget, hanggang sa buong suporta sa peace process, at napakarami pang iba—sa kanya nagsimula ito. Nagtiwala siya sa akin, at sa pagtitiwalang iyon, ipinarating niya ang mas malawak na mensahe: Nagtitiwala siya sa ating mga Moro, na kaya nating pamunuan ang ating mga sarili, kaya nating makilahok sa pagbabago, kaya nating umasenso basta’t tama ang kundisyon.
Kay PNoy—Brother, maraming, maraming salamat. Tatanawing utang ng loob hanggang sa mga susunod na henerasyon ng Moro ang lahat ng nagawa mo. Ipagpapatuloy namin ang nasimulan mo.
Ang totoo po: Hindi naging madali para sa akin ang nakaraang pitong taon. May mga kaibigan tayong napilitang iwasan muna dahil taliwas ang kanilang naging mga pananaw at prinsipyo sa pamamahala. Napakaraming hiling na napilitan tayong tanggihan. Napakaraming hindi napagbigyan. Sa ilang pagkakataon, kinailangan nating lumikha ng kaaway—hindi dahil gusto natin, pero dahil iyon lang ang paraan upang maisulong ang malawakan nating mithiin para sa Bangsamoro.
Sa mga nakabangga natin habang nagpupursiging maabot ang mga mithiing ito: Nanghihingi ako ng pang-unawa. At sa mga nagsilbing bukal ng aking lakas nitong mga nakaraang taon, maraming, maraming salamat sa inyo.
Salamat sa lahat ng organisasyong naging kahanay natin: Sa mga NGO at INGO, sa mga grupo mula sa grassroots at sa civil society, sa mga ahensyang pambansa. Tiyak ko, magkakaroon ng marami pang okasyon para personal at isa-isa ko kayong makamayan at mapasalamatan para sa lahat ng mga naging ambag ninyo. Tanggapin ninyo ang aking pasasalamat, kaisa ng lahat ng nasa regional government ng ARMM. Tuloy ang ating sapalaran.
Gusto ko ring magpaabot ng taos-pusong pasasalamat sa kasalukuyang administrasyon at kay Pangulong Duterte. Sa termino niya ipinasa ng kongreso ang Bangsamoro Organic Law. At ang masasabi ko po, buo ang naging suporta niya sa pagbubukas ng bagong kabanata sa Bangsamoro.
Hindi po marami ang nakakaalam sa kuwentong ito: Noong nanalo si Pangulong Duterte noong 2016, maaga pa lang, tumungo na ako sa Malacañang kasama ang ibang LGU upang mag-courtesy call. Alam ko naman ang pulitika sa Pilipinas; alam ko ang kumplikasyon dala ng kung sino ang unang nag-appoint sa akin bilang Regional Governor, at kung sino ang kahanay ko noong eleksyon. Sabi ko kay Presidente: Kung sa tingin po ninyo, makakahadlang ako sa inyong agenda ng pagbabago; kung sa tingin ninyo, magiging balakid ang magkaiba nating pulitika sa paglilingkod sa taumbayan—handa akong magbitiw sa puwesto. Nandito ako para magsilbi at tumulong—hindi para dumagdag sa gulo.
Ang sagot po ni Pangulong Duterte: Dapat akong manatili sa puwesto; dapat kong ipatupad ang aking mandato bilang halal na Regional Governor. Sa kanya, walang parti-partido, walang kampi-kampihan. Diretso kong masasabi sa kahit kanino: Hindi siya humadlang sa reporma, at lalo pa ngang sumuporta sa mga proyektong ipipapatupad natin upang linisin ang ating rehiyon. Kay Pangulong Duterte: Maraming salamat.
Sa ating Regional Legislative Assembly, sa pamumuno ni Speaker Ronie Sinsuat: Naipatupad lang natin ang reporma dahil sa inyong pakikiisa at suporta. Maraming salamat sa inyo.
Sa aking opisyal na pamilya sa ARMM cabinet: Hindi pa tapos ang trabaho, kaya huwag ninyong asahan na mag-iiyakan tayo at magsesenti ngayon. Pero tanggapin din sana ninyo ang taimtim kong pasasalamat. Pati sa mga staff na kasama ko na mula pa noong simula, at sa ating mga bagong kahanay: Maraming salamat sa inyo.
Naging lalong makabuluhan ang laban dahil kayo ang nasa tabi ko. Sabay ko na ring hihingin ngayon ang inyong pang-unawa. Alam kong minsan, natatamaan kayo ng init ng ulo ko. Sa ating mga Governor’s Initiative for Systems Assessment o GISA, may mga pagkakataong talagang nagigisa kayo. Sana’y naiintindihan ninyo: Nagmumula ako sa espasyo ng pagmamahal sa Bangsamoro. Kung walang panggigisa, baka naging mas mabagal at hindi pulido ang mga proyektong iniluluto natin para sa publiko.
Kaya nga sa aking Gabinete at staff, sa pamumuno nina Executive Secretary Attorney Laisa Alamia at Regional Vice Governor Haroun Alrashid Lucman: Magsitayo kayo at tanggapin ang aking taos-pusong pasasalamat. Palakpakan po natin sila. Idadagdag ko na rin po: Kapag naipasa ang BOL, ito pong Gabinete at staff natin ay kasabay kong mawawalan ng trabaho. Kung ako po sa inyo, mag-unahan na kayo sa pagha-hire sa kanila, dahil tiyak ko pag-aagawan yan ng mga employer. Dala nila ang buong-buo kong endorsement—kabilang sila sa pinakamahusay, pinakamasipag, pinakatapat, at pinakamapasensyang nakatrabaho ko. Palakpakan po ulit natin sila.
Sa aking asawa: Pitong taon kang tumayo bilang sabay na nanay at tatay. Ang mga pagkukulang ko bilang ama, pinunuan mo. Hindi ako nakarinig ng reklamo o masamang sentimyento sa iyo. Tinanggap mo na ito ang buhay natin: Buhay ng serbisyo, at buhay na matagal na nating inilaan para sa Bangsamoro. Maraming, maraming salamat sa iyo.
Sa aking mga anak: Salamat din sa pag-unawa ninyo. Naaalala pa siguro ninyo: Dati, ako pa ang personal na driver ninyo. Pitong taon itong natigil para sa mas malaking hangarin natin. Pati kayo, kinailangang magsakripisyo para sa Bangsamoro. Kahit Linggo, kung biglang kailangan kong magpaalam para sa trabaho, kayo pa ang unang nagsasabing unahin ko na ang tungkulin ko. Kung hindi nga po kalabisan, sabayan po ninyo ako sa pagpugay at pasasalamat sa aking pamilya.
At siyempre, sa mga kapwa ko Moro. Ang inyong kapakanan at ang inyong kinabukasan ang simula’t dulo ng aking pagsisikap. Ang kolektibo ninyong pagsisikap ang nagdala ng pagbabago sa Bangsamoro. Maraming salamat sa inyo.
Insha’Allah, maaalala ninyo ang pitong taon na ito bilang simula ng tunay nating paghawak sa nakatadhanang kadakilaan ng Bangsamorong Pilipino. Ang masasabi ko sa inyo: Hindi po tayo perpekto, pero pinilit nating isadiwa ang ating pilosopiya: Malinis at tapat na pamamahala; pulitikang inuuna ang taumbayan; Bangsamoro bago ako. Bangsamoro higit sa sarili.
Ito ang aking huling Ulat sa Bayan. Narito tayo sa open grounds—bukas sa mga elemento, nakabilad, ngunit sama-sama at walang iniiwan sa labas, walang ineetsa-puwera. Nawa’y ganito rin ang maging pag-alala sa aking pamumuno sa ARMM: Bukas, tapat, nakabilad sa sinumang gustong sumuri, isinasali ang lahat—anuman ang antas sa buhay, anuman ang paniniwala o tribo, anuman ang apelyido.
Ito ang aking huling Ulat sa Bayan. At pinipili kong tingnan ito hindi bilang pagtatapos, kundi bilang pagpapatuloy.
Tuloy-tuloy ang kalayaan natin mula sa katiwalian at kahirapan. Tuloy-tuloy ang pagkamit natin sa mithing katarungan. Tuloy-tuloy ang pagbabago ng Bangsamoro tungo sa kasaganahan. Tuloy-tuloy ang pagbawi ng ating dangal bilang lahi.
Tuloy-tuloy ang pagbuo ng mga bagong naratibo: Mga kabataang Moro na nagtatagumpay sa kani-kaniyang mga larangan, mga naglalathala ng aklat na nagtatala sa ating kasaysayan, mga nangunguna sa naglalakihang pamantasan, mga nananalo sa paligsahan, kinikilala sa bawat sulok ng daigdi—mga kababayan nating humaharap sa kahit sino, ipinagmamalaki ang kanyang paniniwala at kultura, sinasambit nang taas-noo ang mga pantig ng kanyang pangalan, nag-aalab ang puso habang iginigiit sa mundo: Moro ako. Bahagi ako ng bagong Bangsamoro.
Tuloy-tuloy lang po ang kuwento nating Moro. Samahan ninyo ako; tara na’t isulat natin ito. Maraming salamat po.”
Hataman appealed to the next leaders of the Bangsamoro region to continue what has been done for the benefit of the people and as reminder and memories of those who work hard for it.
He also mentioned President Rodrigo Duterte and thanked him for supporting the proposed establishment of the Bangsamo autonomous region that will replace the current Autonomous Region in Muslim Mindanao or ARMM.

ARMM is composed of the provinces of Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Lanao del Sur and Maguindanao. Residents there are set to ratify next month the Bangsamoro Organic Law which was passed by Congress and approved by Duterte.
While Hataman was speaking, a man started distributing sticker and fans with photos of senatorial candidate Dong Mangudadatu, who was also at the event together with his brothers Toto Mangudadatu, who is the governor of Maguindanao; and regional gubernatorial bet Jong Mangudadatu. (Mindanao Examiner)