
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 9, 2013) – Round-the-clock ang pagbabantay ng Crisis Management Committee ng Autonomous Region in Muslim Mindanao sa sitwasyon sa North Borneo na kung saan ay umabot na sa 53 ang bilang ng mga Sulu sultanate members ang napatay ng Malaysia sa patuloy na operasyon nito kontra sa nasabing grupo.
“Naka-monitor kami sa mga kaganapan sa Sabah at 24 hours ang operation nitong Crisis Management Committee on order na rin ni ARMM Gov. Mujiv Hataman. Gusto ni Gov. Hataman na matutukan ng husto ang problema doon sa Sabah upang masigurong ligtas ang ating mga kababayan doon,” ani Amir Mawallil, ang hepe ng Communications Group ng ARMM at naatasan na tumao sa CMC sa loob ng Western Mindanao Command.
Kinumpirma naman ng Malaysia na 53 na ang napatay ng kanilang puwersa sa bayan ng Lahad Datu at Semporna na kung saan ay nasa lugar ang mga tagasunod ni Sulu Sultan Jamalul Kiram sa pangunguna ng kapatid nitong si Raja Muda Agbimuddin Kiram.
Ngunit nasa talaan na rin ng Malaysia’s Most Wanted si Raja Muda Agbimuddin dahil sa pagkamatay naman ng 8 Malaysian police commandos sa nakalipas na sagupaan.
Sa Kuala Lumpur, naghigpit naman ang Philippine Embassy dahil sa mga isinasagawang rally doon dahil sa kaguluhan sa North Borneo.
“The Embassy has put in place added security measures for the safety of its personnel and their families, its property and Embassy clients and visitors,” ani pa ng Philippine Embassy sa ipinadala nitong pahayag ni sa Mindanao Examiner.
Matatandaang nuong Marso 7 ay nag-rally ang 40 mga miyembro ng United Malays National Organisation-Youth sa harapan ng Philippine Embassy at nagbigay pa ng isang liham at ipinu-protesta ng mga ito ang pananatili doon ng grupo ni Raja Muda Agbimuddin.
At sinundan pa ito nuoing Marso 8 ng rally sa pangunguna naman ng nongovernmental organizations Ikatan Rakyat Muslim Malaysia, Ikatan Rakyat Insan Muslim Malaysia at Malaysian Muslim Economy and Social Chamber. Ngunit may grupo naman nagbigay rin ng bulaklak sa Philippine Embassy na binansagan nilang “Ops Bunga” na ang ibigay sabihin ay “Operation Flower” upang ipakita na buong mundo na ang Malaysia ay para sa kapayapaan.
Nananatili naman bukas ang Philippine Embassy doon, ayon kay Ambassador J. Eduardo Malaya.
“We have a job to do, particularly to extend humanitarian assistance to those who have been displaced or otherwise adversely affected by the incident, and to ensure humane treatment to those who have been wounded and captured. The officers and staff of the Philippine Embassy are working doubly hard and are focused on these tasks,” ani Malaya. (Mindanao Examiner)