
Ang screen grab ng bahagi ng ulat ni ARMM Gov. Mujiv Hataman sa kanyang website at doon makikita ang mga umano’y pondong naisatabi nito, maliban sa kanyang sariling tanggapan – ang Office of the Regional Governor. (Mindanao Examiner Photo)
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Apr. 18, 2012) – Pumalo na sa ika-100 araw ang pagkakaluklok ni Pangulong Benigno Aquino kay dating Basilan Congressman Mujiv Hataman bilang acting governor ng Autonomous Region in Muslim Mindanao, subalit hanggang ngayon ay wala pa rin napangalanang ang Malakanyang sa mga uupo sa Regional Legislative Assembly nito.
ANG RLA ang siyang law-making body ng ARMM at hanggang bakante ito ay mananatili ang lahat ng kapangyarihan sa rehiyon sa iisang tao at ito ay kay Hataman, na kilalang ka-alyado at malapit na kaibigan ng Pangulo.
Hindi naman mabatid kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin napapangalanan si Aquino na miyembro ng RLA na dapat ay pangunahan ng Speaker at 24 na miyembro mula sa lalawigan ng Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Maguindanao, Lanao at lungsod ng Marawi.
Nabatid pa na hindi umano magkasundo sina Interior Sec. Jesse Robredo, Yasmin lao, ang Presidential Assistant for Muslim Concerns; Hataman at iba pang mga pulitikong nagla-lobby ng kanilang mga appointees sa RLA.
Naging isyu rin ang “kamag-anakan” at “kaibigan” system sa mga kasalukuyang appointees sa ARMM na siyang trending ngayon sa ibat-ibang forum sa mga social media networks.
Maging ang ulat ni Hataman sa kanyang unang 100 araw sa ARMM ay nagkaroon na rin ng isyu, partikular sa pondo ni Hataman o ng Office of the Regional Governor matapos na lumabas sa website ng ARMM na ‘blangko’ ang salapi ng kanyang tanggapan.
Hindi naman agad mabatid kung bakit walang ulat si Hataman sa sariling pondo, ngunit kanya-kanyang pagtatanggol naman ng mga taga-sunod nito ang mababasa sa mga social media sites.
Sa kabila nito ay marami naman ang pumuri sa mga reporma at pagbabago na isinusulong ng Pangulo sa ARMM at kabilang dito ang mga proyekto na ibinibigay sa mga lalawigan na sakop nito.
Maging ang bilang ng mga “ghost employees” ay malaki na rin ang nabawas dahil sa kasalukuyang kampanya na ipinatutupad ni Hataman, subalit patuloy pa rin ang mga anomalya diumano sa Basilan at Sulu na kung saan ay walang humpay ang bentahan ng mga plantilla ng teachers doon, ayon pa sa sumbong ng ilang mga gurong nabiktima nito.
Sinabi pa ng guro na nagsumbong na ito kay Hataman ngunit wala umanong aksyon at ni hindi sumagot sa mga tawag at text sa kanyang cell phone.
Lalo naman tumibay ang pagbabantay ng mga ibat-ibang grupo, sibilyan at empleyado ng ARMM kontra korupsyon upang masigurong maipapatupad ni Aquino ang pagbabagong minimithi ng mga Moro sa nasabing rehiyon. (Mindanao Examiner)