
ZAMBOANGA CITY – Nagpadala na ng mga K9 units ang militar sa lalawigan ng Sulu upang hanapin ang mga bihag ng Abu Sayyaf, partikular ang dalawang German nationals at dalawang Malaysian citizens, na pinagbantaan ng Abu Sayyaf na pupugutan ng ulo.
Sa unang pormal na pahayag na inilabas ng Western Mindanao Command, sinabi kahapon ng militar na sampung K9 teams ang dinala ng C130 cargo plane ng Philippine Air Force mula Villamor Air Base sa Pasay City sa bayan ng Jolo na kung saan ay naroon ang kampo ng Joint Task Force Group-Sulu.
Mismong si Col. Noel Clement, ang hepe ng naturang task force, ang naatasahan sa nasabing misyon.
“One K9 company consisting of 10 K9 teams (tracker/explosive detection dogs) from the Philippine Army was sent to Sulu to support the ongoing rescue operations of kidnap victims in the area,” ani Marine Capt. Maria Rowena Muyuela, ang spokeswoman ng Western Mindanao Command.
“The K9 teams will help track down the Abu Sayyaf as military troops continue to pursue the bandits in their hiding places. Intensified law enforcement operations in coordination with the LGU and the PNP are ongoing to facilitate rescue of kidnap victims and expedite the arrest of ASG in the province,” dagdag pa nito.
Ang aso, tulad ng baboy, ay itinuturing na ‘haram’ o ipinagbabawal sa mga Muslim.
Hawak ng Abu Sayyaf ang 71-anyos na si Stefan Viktor Okonek at Herike Diesen, 55, na pawang mga German yachter matapos silang maharang sa karagatan nitong Abril 25 habang patungo ang kanilang yate sa Sabah, Malaysia mula sa isang holiday sa Palawan province sa western Visayas.
Humihingi ang Abu Sayyaf ng P250 milyon ransom ($5.6 milyon) mula sa Germany at ipinatitigl rin nito ang bansa sa suporta nito sa US airstrikes kontra Islamic State o IS sa Iraq at Syria. Nagbigay ng ultimatum hanggang Oktubre 17 ang Abu Sayyaf upang masunod ang kanilang demands at kung hindi ay pupugutan nito ng ulo ang isang bihag – maaaring si Okonek dahil na rin sa katandaan nito at bilang suporta na rin sa IS na kamakailan lamang ay nangako ang Abu Sayyaf na makikiiisa sa kanilang mithiin na magkaroon ng Islamic caliphate.
Nagbanta rin ang isa pang grupo ng Abu Sayyaf na papatayin nito ang Malaysian fish breeder na si Chan Sai Chuin, 32, na kanilang dinukot sa Sabah, kung hindi magbabayad ng 3 milyon ringgit (P41 milyon) ang pamilya nito. Gayun rin ang Malaysian policeman na si Kons Zakiah Aleip, 26, na nakilang hinila sa Sabah noong Hulyo 12. Humihingi ng 5 million ringgit ang Abu Sayyaf para sa kalayaan ni Zakiah.
Unang nagpadala ang Armed Forces ng mahigit sa 1,000 sundalo sa Sulu, ngunit matagal na itong plano dahil papalitan ng mga ito ang marines na ililipat naman sa ibang lalawigan sa central Mindanao.
Bihag rin ng Abu Sayyaf ang isang 64-anyos na Japanese treasure hunter na si Katayama Mamaito na dinukot sa Pangutaran Island noon July 2010; at 2 European wildlife photographers na sina Ewold Horn, 52, ng Holland; at Lorenzo Vinciguerre, 47, mula Switzerland, na hinila sa bayan ng Panglima Sugala saTawi-Tawi province noon 2012. Walang balita sa mga ito. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.