
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / May 8, 2014) – Pinalaya na ng militar ang itinuturong nobya umano ng nadakip na lider ng New People’s Army matapos na mapatunayang wala itong alam ukol sa pagiging rebelde ng naturang kinakasama.
Sinabi ni Capt. Alberto Caber, ang spokesman ng Eastern Mindanao Command, na wala na sa kanilang poder si Judith Niog na nahuli kamakalawa sa Davao City sa Mindanao na kasama ni Roy Erecre, na siya rin secretary-general ng Communist Party of the Philippines sa Central Visayas.
Ayon kay Caber ay nasa bakasyon ang mag-syota ng sila ay dakpin ng police at military agents na bumuntot sa dalawa sa ibat-ibang beach resorts at hotel sa loob ng isang linggo. Nabawi kay Erecre ang isang 16 gigabytes na USB drive, isang cell phone at P352,000 cash at maraming mga resibo ng kanilang kinagastusan.
Hindi naman maipaliwanag ni Erecre kung saan nito nakuha ang malaking halaga ng salapi, subalit sinabi ni Caber na posibleng galing ito sa extortion activities ng NPA na dapat sana ay ipadala kay Jose Maria Sison, ang founding chairman ng CPP-NPA, ngunit dinispalko ni Erecre upang magamit sa nila sa bakasyon.
Si Erecre at Niog ay nadakip sa Dona Salud Subdivision sa Barangay Sasa at may bounty ito sa ulo ng P5.4 milyon. Hindi pa rin mabatid kung sino ang nagbibigay ng proteksyon sa lider ng NPA, ngunit kilalang kuta ng rebeldeng grupo ang Davao City.
Tila dedma lamang si Erecre sa pagkakadakip sa kanya at nakangiti pa ito ng kunan ng larawan ng pulisya para sa kanilang dokumentasyon bago ito dinala sa Cebu upang harapin ang mga kaso doon. Walang ibinigay na pahayag ang NPA ukol sa pagkakahuli kay Erecre. (Mindanao Examiner)