
DAVAO CITY – Nagpasalamat si Davao City Mayor Rodrigo Duterte kay Senadora Miriam Santiago sa pagpili sa kanya bilang vice presidential running mate sa 2016 national elections, ngunit sinabi nito na hindi niya matatanggap ang alok dahil magreretiro na umano siya sa susunod na taon.
Sa halip ay todo naman ang suporta ni Duterte kay dating Defense chief at presidential candidate na si Gilbert Teodoro na kabilang rin sa pinagpipilian ni Santiago bilang kanyang running mate kung sasabak ito sa eleksyon matapos na magpagaling sa kanyang cancer ngayon taon. Maging si Senadora Grace Poe ay kabilang sa mga nais nitong maging vice presidential candidate.
“Oh, I would love to run with Rudy Duterte whom I have always loved from the very beginning but he himself said he will not run for public office although I don’t know if we can change his mind,” ani Santiago sa panayam sa mga mamamahayag kamakalawa.
Nais ni Santiago na maging running mate si Duterte dahil sa kanyang kalibre bilang magaling na pinuno na walang bahid ng korapsyon.
“I am honored by the declaration of senator Santiago but unfortunately I said I am not good for national office and besides I intend to retire after this term, gusto ko ng mag retire at matanda na ako, instead I am asking Gilbert Teodoro to accept the draft, alam mo he is a man of integrity and competence and he would make a good vice president.”
“I know him and on a personal note may utang na loob ako sa kanya. Itong tao na ito is honest and his capability is beyond issue. In my low moments sa buhay ko noon, he stood by me, abogado kasi siya. Tutulungan ko siya at kung siya ang tatakbo for vice president I will support him all the way lahat na ang resources ko pati tutulungan ko siya at siya ang choice ko for vice president. Teodoro ako and he will make a good vice president,” sabi pa ni Duterte sa isang press conference sa Davao City.
Paulit-ulit nitong sinasabi na tanging si Teodoro ang kanyang susuportahan at wala ng iba. Sinabi pa ni Duterte na kahit sa kanyang mga nakaraang pahayag at wala itong balak na tumakbo bilang president bagama’t maraming grupo ang sumusuporta sa kanya sa Davao at nais itong patakbuhin sa pagka-presidente.
“Wala akong ambisyon na personal and I am very consistent in my declarations to public (that I will not run for the presidency),” ani Duterte.
Mahigit na sa 1.6 milyon ang populasyon ngayon ng Davao at isa sa pinakatahimik at maunlad sa buong bansa. Posibleng tumakbo bilang mayor ng Davao ang anak ni Duterte na si Paolo na siyang kasalukuyang vice mayor nito. (Mindanao Examiner)