
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Oct. 22, 2013) – Isa ang sugatan matapos na ratratin ng mga di-kilalang armado ang bahay ng dalawang barangay kapitan sa Pagadian City sa Zamboanga del Sur province.
Sinabi ng pulisya na unang niratrat ng armado ang bahay ni Ramon Polenzon, kapitan ng Barangay Datagan, at nasugatan sa pamamaril ang kanyang pamangkin na si Hernani Polenzon. Agad tumakas ang mga salarin matapos ng atake.
Isinugod naman sa Zamboanga del Sur Medical Center ang biktima dahil sa tama ng bala. Nabawi ng mga imbestigador sa lugar ang 5 basyo ng bala mula sa baril na kalibre 45.
Niratrat rin ng di-kilalang grupo ang bahay ni Kapitan Gaudioso Deñiga ng Barangay Lenienza nitong gabi ng Oktubre 21 at ayon sa opisyal ay tatlong armado ang nagpaulan ng bala sa kanilang lugar at mapalad umanong walang nasawi o sugatan sa strafing.
Walang umako sa dalawang insidente ng strafing sa Pagadian ngunit naganap naman ito habang pinaghahandaan ng mga opisyal ang barangay eleksyon sa Oktubre 28. Hindi naman agad mabatid kung konektado ang dalawang strafing, subalit hinala ng pulisya ay may kinalaman sa pulitika ang karahasan.
Kamakalawa lamang ay isang granada rin ang ibinato sa bahay ni Alnasir Suhuri sa Purok Talisay B sa NJK Subdivision sa Barangay Cawit sa Pagadan City. Walangf inulat na sugatan o namatay sa atake, ngunit nakapagdulot naman ito ng pinsala sa bahay at van na nakaparada sa loob ng compound.
Hindi pa mabatid ang motibo sa atake at kung sino ang nasa likod nito at walang ibinigay na pahayag sa media ang pamilyang Suhuri sa naganap. (Mindanao Examiner)