
DIPOLOG CITY (Mindanao Examiner / Mar. 26, 2014) – Niratrat ng mga di-kilalang armado ang bahay ng isang abogado sa Dipolog City sa Zamboanga del Norte province, ngunit blanko pa rin ang pulisya sa motibo ng atake.
Sinabi ng pulisya na walang sugatan o nasawi sa atake sa bahay ni Atty. Alan Ranillo, 47, ngunit nahagip naman ng dalawang bala ang sasakyan nito sa garahe. Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, bago naganap ang atake ay naispatan sa lugar ang dalawang di-kilalang lalaki na nakasakay sa motorsiklo na siyang itinuturong nasa likod ng pamamaril.
Nabawi pa ni Ranillo, na dating provincial board member, ang isang slug at dalawang basyo ng bala sa lugar at ibinigay nito sa pulisya upang masuri. Walang umako sa atake at patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naganap.
Kaliwa’t kanan rin ang barilan sa Dipolog City at karamihan sa mga ito ay ibinibintang sa mga hired killers na nagkalat sa lalawigan. (Mindanao Examiner)