
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / May 3, 2013) – Hindi na umano nasagot ni Team PNoy senatorial candidate Bam Aquino ang mga tanong sa kanya ng media sa Zamboanga City matapos na lumutang ang ibat-ibang isyu ukol sa kanya.
Nasa Zamboanga kamakailan si Bam Aquino at ipinatawag nito ang ilang mga editors at managers ng mga pahayagan at radyo para sa isang table talk sa lokal na hotel, ngunit hindi pa man nagtatagal ang panayam ay ayaw na nitong sagutin ang mga isyu, ayon sa isang manager ng radio station.
“Wala eh, hindi na sinagot yun mga isyu sa kanya at iniwasan na lamang ito,” bulong pa ng manager sa Mindanao Examiner.
Nakipag-usap na lamang si Bam Aquino sa mga negosyanteng inimbitahan ng grupo nito.
Kabilang sa mga isyu na ipinupukol kay Bam Aquino, na pinsan buo naman ng Pangulong Benigno Aquino, ay ang pagiging oportunista diumano at ang paninilbihan nito noon sa administrasyong Arroyo bilang pinuno ng National Youth Commission.
Kaliwa’t-kanan ang eskandalo ng dating administrasyon mula sa alegasyon ng pandaraya sa halalan hanggang sa isyu ng korupsyon at maging ang pagsupil sa media at sa mga grupo ng kabataan at organisasyon na ayaw sa pamamalakad sa pamahalaang ni Arroyo.
Isyu pa rin ang television campaign ad nito dahil sa pag gamit kina dating Senador Ninoy Aquino at dating Pangulong Cory Aquino kahit pa namayapa na ang mga ito para lamang makakuha ng simpatiya sa publiko. (Mindanao Examiner)