KIDAPAWAN CITY — Pinaniniwalaang biktima ng summary execution ang Dalawang mga lalaki na natagpuang bangkay na sa Sitio Paghidaet, Barangay San Vicente sa bayan ng Banga sa lalawigan ng South Cotabato, kamakalawa ng hapon.
Sinabi ni Police Chief Inspector Verlin Pampolina, Chief of Police ng Banga PNP, na ang mga biktima ay sina Faisal Ampatuan, 48 anyos at Bohari Edsla, 26 anyos pawang mga residente ng Shariff Aguak, Maguindanao.
Ayon kay Barangay Chairman Elpidio Patarata ng San Vicente, Banga na natagpuan ang mga biktima na naka-packing tape ang ulo, may tama ng bala sa ulo at may bakas ng pagkakagapos ang kanilang mga kamay, alas-3:20 ng hapon nitong Lunes.
Ayon kay Pampolina na makikipag ugnayan na ang kanilang opisina sa Shariff Aguak PNP para sa dagdag na imbestigasyon. Posible umano na kakilala ng mga biktima ang suspek dahil sa brutal na pamamaraan sa pagpatay dito.
Bago nito, mismo ang Civil Volunteer Organization (CVO) ng barangay na si Mandu Paredes ang nakarinig ng limang putok habang naghahanda ito kasama ang kanyang misis upang manghaharana sa bahay ng isang birthday celebrant sa lugar.
Nang tunguhin ang lugar na pinagmulan ng putok, dito na nakita ang dalawang lalaking nakahandusay at duguan.
Agad namang kinuha ng mga kamag-anak ang bangkay ng mga biktima. Hindi pa alam ng PNP ang motibo sa pagpatay sa mga biktima. Rhoderick Beñez