KIDAPAWAN CITY – Hanggang ngayon ay hindi pa rin batid ang pagkakakilanlan ng isang lalaki na natagpuang wala ng buhay sa Purok 8 sa Barangay Kidama sa bayan ng Matalam, North Cotabato.
Ayon kay Chief Inspector Sunny Leoncito, hepe ng Matalam police force, isang Napoleon Tesoro na kasapi ng Barangay Peace Keeping Action Team o BPAT ang nakakita ng bangkay ng lalaki dakong alas-6:30 ng umaga kamakalawa at agad itong ini-report sa pulisya.
Litrato na ipinasa ng pulisya sa Mindanao Examiner Regional Newspaper.
Sa imbestigasiyon ng pulisya, lumalabas na ang bangkay ay natagpuan sa Field in Best Farm, isang sakahan an nakitaan ito ng isang saksak sa likod at maraming saksak sa kanyang ulo. Ang bangkay ay tinatayang nasa 25 hanggang 30 ang edad.
Na-rekober naman sa crime scene ang isang piraso ng tsinelas na adidas na kulay itim at gray. Ang bangkay ay nakalagak ngayon sa Collado Funeral Home na nasa Poblacion sa Matalam. (Rhoderick Beñez)