
MARAWI CITY (Mindanao Examiner / June 26, 2014) – Sa kabila ng ulan, libo-libong katao ang dumagsa sa Marawi City nitong Miyerkoles sa Lanao del Sur upang manawagan sa pamahalaang Aquino ukol sa asunto ng diumano’y ma-anomalyang pondo ng National Power Corporation at Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation na galing sa kinita ng mga planta ng Agus hydropower facility.
Galing sa Lake Lanao ang tubig na ginagamit sa naturang hydropower plant at nais ngayon ng mga mamamayan na ilathala sa publiko ng pamahalaan ang lahat ng kinita nito mula 1997 hanggang sa kasalukuyan. Nais rin ng mga ito na ibigay sa mamamayan ng Lanao del Sur ang kanilang parte, gayun rin ang para sa lalawigan sa lahat ng kinita nito dahil ang natural resources ng Lake Lanao ang siyang bumubuhay sa hydropower plant.
Hindi naman agad mabatid kung magkano ang kinita ng pamahalaan mula sa hydropower plant, ngunit sa kanilang panawagan ay dapat umano ay 40% ng kinita ng pamahalaan ang maibalik sa Lanao del Sur at sa mga residente nito base na rin sa probisyon ng Saligang Batas ng bansa na nagsasabi na dapat makibabang ang local government unit sa sarili nitong likas-yaman tulad ng pag-gamit ng Agus hydropower plant sa Lake Lanao.
Hiningi din nila ang agarang pagkilala at pagpapatupad sa Joint Circular 98-1 sa pagitan ng Department of the Interior and Local Government at ng Department of Energy na kung saan ay tinukoy na ang dapat na makuhang parte o share ng LGU mula sa kinita ng Agus. Dagdag pa sa kanilang panawagan ay ang pagsunod sa Section 294 ng Republic Act 7160 na kung saan ay sinasabing 80% ng parte na makukuha ay dapat mapunta sa pagbayad ng kanilang elektrisidad na pakikinabangan naman ng lahat ng residente sa lalawigan.
Nais rin ng mga raliyista na dapat aniyang maglaan ng pondo ang pamahalaan para sa rehabilitation at development ng Lake Lanao at maging ang watershed nito. Ito ay matapos na lumabas mula sa ibat-ibang pananaliksik at pagaaral ang lumalalang sitwasyon sa Lake Lanao bunsod na rin sa patuloy na paggamit ng Agus hydropower plant ng tubig nito at kinakatakutan na posibleng matuyo ang Lake Lanao sa susunod na 50 taon.
Sinabi naman ni Agakhan Sharief, ang pinuno ng Bangsamoro National Movement for Peace and Development na siyang nanguna sa rally, na idudulog nila sa Korte Suprema ang isyu kung ito ay ipagsasawalang bahala ng pamahalaan. (Drieza Lininding)