
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Aug. 15, 2014) – Apat na katao ang napaslang sa hiwalang na atake sa Zamboanga del Sur province, ayon sa pulisya.
Patay ang isang barangay chairman at ang kanyang asawa matapos silang pagbabarilin ng tatlong armadong kalalakihan sa bayan ng Dumingag.
Himalang nakatakas naman ang kanilang dalawang anak na may edad 3 at 9 habang pinapatay sina Arlon Luceñara, 46, at Mary Jane Tablon Luceñara, 35. Hindi pa nasiyahan ang mga salarin ay pinagsasaksak pa nila ang mga biktima bago tumakas.
Nabatid sa pulisya na naganap ang pamamaslang sa Barangay Dilud kamakalawa ng umaga, ngunit hindi pa malinaw ang motibo sa atake. Nakilala naman ang isa sa mga salarin na si alias Tisoy Enlab. Shot gun umano at patalim ang ginamit ng mga salarin sa pamamaslang sa mag-asawa.
Sa bayan naman ng Pitoto sa naturang lalawigan ay niratrat rin ng di-kilalang salarin ang isang marines na si Merjun Disapor, 22, at ang kasama nitong si Renell Alastra habang nasa inuman sa isang gym.
Pinasok umano ng salarin ang gym at saka tinira ang dalawa gamit ang isang M16 rifle at napatay agad si Alastra, samantalang si Disapor naman ay binawian ng buhay habang isinusugod sa pagamutan.
Walang motibo na maiisip ang pulisya habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso. Nabatid na si Disapor ay naka-assign sa bayan ng Indanan sa Sulu province. Parehong residente ng Pitogo ang mga biktima.
Hindi mabatid kung may kinalaman ang New People’s Army sa pamamaslang sa dalawang magkaibigan. (Mindanao Examiner)
Like us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine