KIDAPAWAN CITY – Arestado ang isang barangay chairman matapos salakayin ng mga awtoridad nitong Biyernes ng madaling araw ang bahay nito sa bayan ng Magpet sa North Cotabato province.
Napatay rin umano ang isang pamangkin ni Barangay Tagbak chairman Elmar Manumba na si Elias Manumba, na miyembro ng CAFGU, matapos na manlaban sa mga awtoridad.
Kuha ni Randy Patches ng dxND-Radyo BIDA Kidapawan.
Ayon kay Senior Inspector Jose Mari Molina, hepe ng Magpet PNP, nakumpiska sa bahay ni Chairman ang dalawang mga shotguns, tatlong .45-caliber pistol at isang fragmentation grenade. Inamin naman ni Manumba na sa kanya ang mga baril, pero itinanggi naman ang granada at sinabing itinanim lamang umano ito ng mga operatiba ng pulisya.
“Hindi sa akin ang granada at bakit ako maglalagay ng granada sa cabinet ng misis ko. Nilagay nila ito para may dahilan sila na ako ay makulong, pareho naman sana kaming nasa gobyerno,” ani Manumba. (Rhoderick Beñez)