
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Nov. 15, 2011) – Napatay ng isang lalaki ang deputy police chief ng bayan ng Bonggao sa Tawi-Tawi province matapos nitong agawin umano ang M16 ng opisyal habang iniimbestigahan ito sa presinto dahil sa paglabag sa batas-trapiko.
Napatay rin ng ibang parak ang lalaki na nakilalang si Abdul Sabdani matapos ng umaatikabong ratratan sa loob ng presinto nitong Lunes ng gabi. Naagaw kasi ni Sabdani ang dalawang automatic rifles, isang .45 pistol at .38 baril at ito ang ginamit sa paglaban sa mga rumesponding parak.
Hindi naman ibinigay ng pulisya ang pangalan ng nasawing opisyal habang wala pang abiso ang pamilya nito sa naganap. Ngunit ayon naman sa ibang mga ulat ay nakilala ito na si Inspector Erick Fregillana at naganap umano ang barilan kamalawa ng gabi.
Dinala umano sa presito si Sabdani upang imbestigahan dahil sa paglaban nito sa mga umarestong traffic policeman sa kanya. Subali’t bigla na lamang nitong hinablot ang armas ng opisyal at doon ay nagpambuno ang dalawa. (Mindanao Examiner)