
BASILAN (Mindanao Examiner / July 3, 2013) – Mahigpit pa rin ang siguridad na ipinatutupad ng mga awtoridad sa Basilan province matapos na masawi ang isa umanong bomber ng sumabog ang dala nitong bomba sa Lamitan City.
Sinabi ng pulisya na nagdagdag na ito ng mga checkpoints sa ibat-ibang lugar upang masigurong ligtas ang mga mamamayan sa anumang banta ng karahasan o terorismo.
Matatandaang isang hinihinalang bomber ang natigok ng ito’y masabugan ng sariling bomba sa Barangay Balagtasan kamakalawa lamang.
Sakay ng kanyang motorsiklo ang bomber ng biglang sumambulat ang bag nito at halos mahati ang katawan sa lakas ng pagsabog.
Nagkaluray-luray ang hita at braso nito ng matagpuan ang naturang lalaki. Hindi naman agad mabatid ang pangalan ng biktima, ngunit naka sando lamang ito at sandals at naka-suot rin ng short pants na military fatigue. May scarf rin ito sa kanyang leeg.
Hindi naman mabatid kung paanong nakalusot sa mga checkpoints ng militar at pulisya ang lalaki.
Nagdulot naman ng panibagong takot sa publiko ang naturang kaganapan dahil kung hindi ito sumabog sa bomber ay malamang mas marami pang inosenteng buhay ang madadamay sa Basilan.
Ilang beses na rin inatake ng mga rebelde ang nnasabing lalawigan na bahagi ng Muslim autonomous region. (Mindanao Examiner)