
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / June 28, 2012) – Patay sa pamamaril ang isa umanong consultant ni acting Gov. Mujiv Hataman ng Autonomous Region in Muslim Mindanao matapos itong utasin ng mga di-kilalang armado sa magulong lungsod ng Cotabato.
Kinilala ang biktima na si Raffy Nabre na umano’y isa sa maraming consultant ni Hataman sa ARMM.
Ayon sa mga ulat ay pauwi na sa kanyang bahay si Nabre ng ito’y dagitin ng dalawang armado na sakay ng motorsiklo gabi ng Miyerkoles.
Niratrat umano ng mga salarin si Nabre gamit ang .45-pistolang baril at ng masigurong wala ng itong buhay ay saka naman humarurot palayo sa crime scene ang dalawang armado.
Hindi pa mabatid ang motibo sa pagpatay at kung may kinalaman ba ito sa trabaho ni Nabre bilang consultant ni Hataman, na dating mambabatas ng Basilan province at malapit na kaibigan ni Pangulong Benigno Aquino.
Naganap ang pamamaslang bago pa man magsimula ang gun ban sa ARMM dahil sa general voter’s registration sa susunod na lingo.
Ang Cotabato City ang pinakamagulong lungsod sa Mindanao at minsan na itong binansagang “doormat” for terrorists ng embahada ng Estados Unidos sa bansa. (Mindanao Examiner)