
Makikita sa larawan na ipinasa sa Mindanao Examiner ng Moro human group Kawagib ang larawan ng batang tinamaan ng bala matapos ng naganap na strafing sa Maguindanao province. Unang nahagip ang ina ng biktima at tumagos ito sa paa at tumama sa natutulog na bata sa refugee center sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan.
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Aug. 23, 2012) – Ibinintang sa militar ng isang Moro human rights group ang pagkamatay ng isang batang babae na tinamaan diumano ng bala sa isinagawang strafing ng mga sundalo sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan sa magulong lalawigan ng Maguindanao.
Sinabi ng grupong Kawagib na nahagip umano si Asmayra Usman ng bala sa loob mismo ng isang evacuation center sa Barangay Salbo. Gabi kamakalawa ng makarining ng maraming putok ng baril ang mga refugees at nalaman na lamang nila na isang bata ang nahagip nito.
Isinaysay ni Arsad Usman, ang ina ng bata, sa Kawagib na siya ang unang tinamaan ng bala at tumagos itop sa kanyang paa at sumapol sa katawan ng natutulog na anak.
Nabatid umano nito na tinutugis ng mga sundalo ang mga miyembro ng rebeldeng Bangsamoro Islamic Freedom Movement di-kalayuan sa lugar ng maganap ang strafing. Halos 400 pamilya ang nasa refugee center.
Itinanggi naman ito ng militar at sinabing ang mga rebelde ang posibleng nasa likod ng strafing upang pigilan ang mga sundalo sa pagtugis sa kanila.
Sinabi pa ng Kawagib na kakasuhan nila ang militar sa pagkamatay ng bata at sa pambabastos ng mga sundalo sa mga mosque sa lalawigan dahil ginawa umano itong mga detachment ng tropa, particular sa Baranga Bagan sa bayan ng Guindulungan, at gayun rin sa Baranagay Maitumaig sa bayan ng Datu Unsay. (Mindanao Examiner)