MULI NA naman nahaharap sa kontrobersyal ang Pangulong Rodrigo Duterte matapos nitong ipag-yabang ang kanya umanong “malaking ari” sa isang campaign rally sa Puerto Prinsesa City sa lalawigan ng Palawan kamakailan lamang.

Pinagpistahan naman ito ng mga international newspapers at news agencies, ngunit sa karamihan ng mga Pilipino ay isang kabastusan umano ang naging pahayag ni Duterte.
Sinabi pa ni Duterte na malimit itong maglakad ng nakahubad sa dormitoryo noong ito ay nag-aaral pa. “Sa totoo, ang lalaki is measured by his character. Pagwapo-gwapo ka diyan tapos paglabas ng titi, maliit pala. Pasalamat ako sa tatay ko. At least pinalabas niya ako sa buhay, highly equipped,” sambit pa ni Duterte.
Sa lahat ng mga naging Pangulo ng Pilipinas ay tanging si Duterte lamang ang “pinaka-bastos” – mula sa paghahalik sa mga kababaihan sa publiko, pagmumura sa Santo Papa at mga alagad ng Diyos, at gayun rin sa mga Presidente ng ibang bansa at opisyal ng United Nations, at ngayon ay tungkol naman sa kanyang ari ang naging paksa sa harap ng maraming tao, kabilang ang mga kababaihan – ayon sa mga kritiko ng Pangulo.
Subali’t kung tatanungin si Duterte ukol sa mga puna at paratang ng kabastusan sa kanya ay ipupukol naman nito sa “dilawan” o sa Liberal Party at ibang oposisyon ang mga bintang at sasabihing “black propaganda” lamang ito kontra sa kanya. Ilang beses na rin sinabi ni Duterte na ang nakikita at naririnig ng publiko sa kanya ay ang tunay nitong katauhan at hindi rin nito babaguhin ang mga puna laban sa kanya.
Sinabi rin nito kanyang sasabihin ang anumang naisin dahil siya ang Pangulo ng bansa.
Kaliwa’t-kanan rin ang banat nito sa “Otso Diretso” sa bawat campaign rally, ngunit pare-pareho lamang rin ang kanyang mga sinasabi tungkol sa mga kandidato nito sa Senado. Maging si senatorial candidate at abogadong si Chel Diokno ay tinira rin ni Duterte at tinawag pang “pangit.”
Ultimo gilagid at mga kilos at salita ni Diokno, na nag-silbing chairman ng Free Legal Assistance Group (FLAG) at founding dean ng Dela Salle, ay hindi pinalampas ni Duterte. “Eh, wala parang magsalita tsetse. Yung tatay niya, doon ako saludo. Pero ito? Kalaki pa ng gilagid mukha, ‘yung, pangit,” wika pa ni Duterte. Ang ama ni Chel ay ang abogadong si Jose Diokno, na naging senador at Justice secretary noon at siyang founder ng FLAG na siyang nagbibigay ng free legal services sa mga maralitang walang kakayahang kumuha ng abogado.
Ipinag-yabang rin ni Duterte ang umano’y pagkakaroon ng maraming girlfriends at hinamon pa si Chel ng paramihan ng babae. “Ang sabihin niya…pangit ka rin. O! Sige, totoo ka? Harapan diyan sa Luneta, magdala ka. Ilan ang girlfriends mo? Sige kay dalhin ko ‘yung akin. Yung pinaka-maraming girlfriend, yun ang gwapo,” ani Duterte. Sa mga tagapag-tanggol ni Duterte, ilang beses rin nilang sinabi na dapat ay huwag seseryosohin ang lahat ng sinasabi ng Pangulo at kalimitan ay pawang mga pagbibiro lamang ito upang patawanin ang publiko. (Mindanao Examiner)
Thank you so much for visiting our website. Your small donation will ensure the continued operation of the Mindanao Examiner Regional Newspaper. Thank you again for supporting us. BPI: 952 5815649 (BOPIPHMM) Landbank: 195 113 9935 (TLBPPHMM)