BIGO ang mga pro-administration lawmakers na maipasa ang kontrobersyal na Bangsamor Basic Law na siyang magbibigay daan upang maitatag ang bagong Muslim autonomous region sa Mindanao. Ito ay matapos na maantala ang deadline ng Kongreso na maipasa ang batas nitong June 11 bago nag-recess ang kapulungan.
Kinumpirma rin ito ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. at sinabing pagtutuunan muli nila ng atensyon ang BBL sa September, ngunit baka hindi ito matuloy o kaya ay i-urong sa October, ayon pa sa ibang mga mambabatas.
Sisiguraduhin rin umano ng mga anti-BBL lawmakers na ibabasura nila ang tinatawag an “opt-in” provision na nakapaloob sa BBL na maaaring magamit upang palawigin ang teritoryo ng Bangsamoro na tinututulan ng mga Kristiyanong pulitiko.
Halos hindi naman magkanda-ugaga ang mga mambabatas sa kani-kanilang interpellation na siyang nagpapatagal sa pagpasa ng BBL. Maraming mga amendments ang nais gawin ng mga mambabatas sa BBL upang masigurado umanong hindi lalabag sa Konstitusyon ang mga probisyon sa nasabing draft law.
Naantala ang deliberasyon ng BBL sa Kongreso dahil sa naganap na pagpatay ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front sa 44 mga miyembro ng Special Action Force sa bayan ng Mamasapano sa Maguindanao, isa sa limang lalawigan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao, nitong Enero.
Nasa isang misyon ang SAF na kung saan ay napatay ng mga commandos ang Malaysian bomber na si Marwan na kinakanlong diumano ng MILF – nang sila ay kuyugin ng MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Dahil sa Mamasapano clash ay maraming grupo at pulitiko ang nanawagan na magbitiw si Pangulong Benigno Aquino at peace adviser Teresita Deles dahil sa kanilang kabiguan na pigilan ang sagupaan at pagpatay sa SAF commandos.
Lumagda ng peace accord ang MILF at pamahalaan noon nakaraang taon, ngunit dahil sa naganap na labanan ay nabinbin ito at posibleng hindi na maipasa sa termino ni Aquino maliban lamang kung panghihimasukan nito ang mga mambabatas.
Sinakyan rin ng mga mambabatas na tutol sa BBL ang nasabing isyu kung kaya’t lalong nagahol ang pagpapasa nito sa Kongreso. Sa Senado ay tinututulan rin ilang mga senador ang ilang probisyon sa BBL at nadagdag pa ito sa problemang kinakaharap ni Pangulong Benigno Aquino na siyang nagpipilit na isulong ang BBL. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News