DIPOLOG CITY (Mindanao Examiner / Dec. 1, 2013) – Patay ang isang bebot matapos itong barilin ng isang armado sa harap mismo ng kanyang live-in partner sa bayan ng Piñan sa Zamboanga del Norte province sa western Mindanao.
Ayon sa pulisya at dalawang beses binaril si Liberty Bael, 41, sa Barangay Silano. Sakay ng motorsiklo si Bael at ang partner nitong si Jerry Ontolan at pauwi na sa kanilang lugar ng maganap ang pamamaril.
Nabatid na sinundan ng salarin na nakasakay rin sa motorsiklo ang dalawa at nagawa pa umanong komprontahin ni Ontolan ang armado ng mahalatang sinusundan sila, ngunit laking gulat na lamang nito ng biglang bumunot ng baril ang lalaki at saka tinira si Bael ng dalawang beses.
Agad naman tumakas ang armado at iniwan ang nagimbal na si Ontolan. Masuwerte umano si Ontolan at hindi ito pinatay ng armado. Nabawi naman ng pulisya sa lugar ang mga basyo ng bala at ang baril ng salarin na nahulog habang tumatakas.
Hindi pa mabatid ang motibo sa pagpatay at kung sino ang nasa likod nito. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen. (Mindanao Examiner)